Agarang recall elections sa Puerto Princesa City, Palawan ang iniutos ng Supreme Court (SC) sa Commission on Elections (Comelec).
Ang kautusan ay ibinaba makaraang katigan ng SC en banc sa botong 12-0 ang petisyon ni Alroben Goh laban sa Comelec Resolution No. 9864 at 9882.
Ito ay may kaugnayan sa recall petition na posibleng magresulta sa pagkakatanggal sa puwesto kay Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron.
Sa ilalim ng resolution 9864 na ipinalabas noong Abril 1, 2014, kinatigan ang rekomendasyon ng Office of the Deputy Executive Director na sufficient in form and substance ang petisyon laban kay Bayron pero sinuspinde ang pagsasagawa ng recall dahil sa isyu ng pondo.
Nagpalabas naman noong Mayo 27, 2014 sa ilalim ng Resolution 9882 na sinuspinde ang lahat ng recall proceedings dahil walang inilaan na pondo para rito sa ilalim ng 2014 General Appropriations Act (GAA).
Pero ayon sa Korte Suprema, may ginawang pag-abuso sa kapangyarihan ang Comelec sa pagpapalabas ng dalawang nabanggit na resolusyon.
Ipinaliwanag ng SC na sa ilalim ng 2014 GAA, may kapangyarihan ang Comelec para pondohan ang recall elections mula sa kanilang savings.
Hindi na rin kailangang magsagawa ng supplemental legislation para bigyang awtorisasyon ang poll body sa pagsasagawa ng recall elections.