Sa pagbabasa ko ng isang magazine, napukaw ang aking atensiyon sa larawan ng isang punong bonsai. Ang bonsai ay isang ornamental na puno o halaman na artipisyal na hinahadlangan ang paglago nito. Ang puno sa larawan ay mistulang higante sa lahat ng aspeto – huwag mo lang titingnan ang katabi nitong water sprayer na kasintaas lamang nito. Ang naturang puno ay nakatanim sa isang malapad at mababang animo’y bandeha na gawa sa tisâ. Napakaganda ng bonsai sa larawan. Nang basahin ko ang artikulo, binanggit doon na ang pangangalaga ng bonsai ay nangangailangan ng mataas na antas ng pangangalaga at atensiyon, ngunit nagkakaloob ito sa tagapangalaga ng ginhawa ng damdamin, kapahingahan ng diwa, at kapayapaan sa isip. Ang bonsai ay hindi na lumalaki. Iyon na lamang ang ang laki ng bonsai hanggang sa itatagal ng buhay niyon.

Isipin mo na lang kung ang isang sanggol ay nanatiling isang sanggol – ni hindi lumalaki o tumatangkad na parang bonsai. May kung anong mali sa sanggol na iyon kung kaya hindi ito lumalaki. At ganoon din ang isang Kristiyano na parang bonsai – isang Kristiyano na nanatiling sanggol ang pananampalataya. Habang tumatanda tayo, nais din nating lumago ang paraan ng ating pakikipag-usap at pakikinig at pagtitiwala sa Diyos.

Ngunit paano ba lumago ang pananampalataya? Nagsisimula iyon kung paano tayo “kumain” – kung paano natin inaaral, ikinikintal sa isip at diwa ang Salita ng Diyos, kung paano natin binabasa ang Mabuting Aklat. Umiinom tayo ng “gatas” – ang lahat ng bagay tungkol sa buhay ni Jesus, ang lahat ng ginawa Niya para sa atin. At pagkatapos, tulad ng paglipat ng isang sanggol mula sa gatas patungo sa solidong pagkain, lumilipat tayo mula sa “gatas” patungo sa “karne” – ang mas malalim na mga katotohanan at mas malaking larawan ng Diyos. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng “pagnguya” at “paglunok” ng mga mapanghamong berso sa Mabuting Aklat at sa mas malalim na pag-aaral ng Salita ng Diyos.

Habang humihinto sa paglago ang ating pisikal na katawan pagsapit ng sapat na gulang, hindi kailangang huminto rin ang ating paglago sa espiritu. Lagi tayong may higit na pag-aaralan, mga bagong paraan ng pagtitiwala sa Diyos, mas malalalim na katotohanan na uunawain.
National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA