Isinakripisyo ng isang 61-anyos na ama ang sarili niyang buhay upang ipagtanggol ang puri ng anak niyang babae noong Linggo sa Bago Bantay, Quezon City.

Arestado ng pulisya si Teddy Peña, 45, negosyante, tubong Isabela, Leyte at residente sa lugar.

Kinilala ang napatay na si Elpidio Reyno, retiradong kawani ng isang telecom company, at residente ng Barangay Alicia, Bago Bantay, Quezon City.

Ayon sa imbestigasyon, dakong 8:00 ng gabi at papasok na ng bahay ang anak na babae ni Reyno nang biglang lumitaw ang suspek at minolestiya ang biktima.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Batay sa salaysay ng mga saksi, agad na nagpasaklolo ang dalaga sa ama at mabilis namang kumilos si Reyno pero sinapak siya ng suspek at bumalandra siya sa sahig. Nabagok si Reyno at nawalan ng malay.

Sumaklolo rin ang kapatid na lalaki ng dalaga at nagpambuno sila hanggang sa dumating ang mga opisyal ng barangay upang dakpin ang suspek.

Hindi na umabot nang buhay sa J. P. Sosion General Hospital si Reyno.

Nakapiit naman sa Quezon City Police District-Masambong ang suspek. - Betheena Kae Unite