Umaasa ang pamahalaang Aquino na mapapanagot sa batas ang mga sangkot sa karumal-dumal na Maguindanao massacre bago magtapos ang termino ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa 2016.

Kasabay ng paggunita sa ikalimang anibersaryo ng itinuturing na pinakamalagim na politicallyrelated violence sa bansa kahapon, sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na determinado ang gobyerno na maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga napaslang sa insidente sa Datu Unsay, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.

“Ayon kay Secretary Leila de Lima, ang Maguindanao massacre ay isang litmus test ng judicial system sa bansa. Hangad ng prosekusyon na mapatawan ng parusa ang mga principal suspect sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Ito ang hamon ng Pangulo sa Department of Justice,” pahayag ni Coloma sa radyo.

Sa nakalipas na mga araw ay umani ng batikos ang gobyerno mula sa iba’t ibang media organization at human rights group dahil sa mabagal na pag-usad ng kaso sa pagpatay sa 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, na ang itinuturong utak ay ang mga miyembro ng pamilya Ampatuan.

National

Malaking bahagi ng bansa, uulanin dahil sa 3 weather systems

Ikinalungkot din ng iba’t ibang sektor ang sunud-sunod na pagpatay sa ilang testigo sa massacre.

“Tulad ng mga naipahayag na ni Pangulong Aquino, buo ang determinasyon ng gobyerno na masaksihan ang paggawad ng ganap na hustisya,” giit ni Coloma.

“Patuloy din ang kampanya laban sa kriminalidad, ang pagtugis, pag-aresto, at pag-usig sa lahat ng grupo at indibiduwal na gumagamit ng dahas upang ikubli at pagtakpan ang katotohanan,” dagdag ng opisyal. - Genalyn D. Kabiling