Judy Ann Santos

HINDI pala si Tito Alfie Lorenzo na lang ang manager na sinusunod ni Judy Ann Santos, kasama na ang bunso niyang si Lucho.

Ito ang kuwento ng nanay ni Judy Ann Santos na si Mommy Carol Santos nang makita namin sa ABS-CBN Bazaar sa may Pinoy Big Brother house na nagsimula noong Lunes.

Napangiti si Mommy Carol nang purihin namin si Budaday na ang galing-galing nang mag-host at pawang rater ang mga programang I Do at Bet On Your Baby at tila nag-eenjoy na sa hosting kaysa acting.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

“Ay, oo, mas relax siya sa hosting, mas gusto nga niya kasi maaga siyang nakakauwi,” sabi ng butihing ina ng young superstar. “‘Pag nagserye ulit si Juday, lagot siya kay Lucho, kasi dapat maaga siya umuwi dahil hindi natutulog si Lucho nang hindi niya katabi ang ina. Grabeng bata ‘yun.

“Minsan, tumawag kay Juday habang nasa taping at pinauuwi ang ina, ‘please come home now’ kaya hindi puwedeng ginagabi si Juday.”

Nabanggit naming binibigyan naman ng maagang cut-off si Juday ng ABS CBN kapag nagseserye siya. Ang mabilis na hirit ni Mommy Carol, “Minsan kasi hindi nasusunod lalo na kung delikado ang eksena. Si Lucho, talagang bantay-sarado si Juday doon.

“Minsan ‘pag may topak, haharang sa pintuan at sasabihin sa ina, ‘don’t go to work. Stay here!’ Siyempre aamuin ng ina, lalaruin para mabago, minsan nauuto.

“Pero there was a time na talagang galit si Lucho, sobrang talim ng tingin, as in nakakatakot. Sabi ko nga, kung may hawak na panaksak ‘yun (Lucho), nasaksak na siya. Grabe, nakakatakot,” nanlalaki ang mga matang kuwento ng proud lola ng bagets.

Dagdag pa, “Sobrang in love sa mommy niya si Lucho, ha-ha-ha!”

Sa paghahatid-sundo kina Yohan at Lucho sa eskuwelahan, “Salitan sina Rye (Ryan Agoncillo) atJuday, ‘pag may taping si Juday, si Rye ang susundo, ‘pag may taping si Ryan, si Juday ang susundo. Alternate nga sila ng taping.”

Naalala naming kuwento ni Juday sa panayam namin sa kanya sa pagtatapos ng I Do, alas diyes pa lang ng gabi ay lights-off na dahil oras na ng tulog ng mga bagets at maaga siyang gigising para ipaghanda ng almusal at baon ang mga bagets kasama na ang mister niyang si Ryan.

“Oo, kaya ‘pag may serye na ulit si Juday, lagot na naman siya kay Lucho, ha-ha,” natawang sabi ni Mommy Carol.

Samantala, sa mga gustong tumikim ng tindang bineyk na tinapay ni Mommy Carol, puwede siyang puntahan sa ABS-CBN Bazaar sa Pinoy Big Brother House, hanggang bukas sila at pagkatapos ay nasa World Trade Center sila sa Disyembre.

Natikman na namin ang bineyk niyang ensaymada, wheat pande coco para sa nagda-diet, at iba pang tinapay na talagang pinagkakaguluhan din ngayon ng kapwa artista ni Juday dahil talagang masarap at malinamnam.