TINIYAK sa amin ni Sir Bong Quintana, ang masipag na assistant vice president for entertainment ang bingo department ng Pagcor, na masisiyahan ang mga regular na panauhin ng Casino Filipino.
Pagbibigyan kasi nila ang isa sa palaging hinihiling ng kanilang regular guests, na ibalik ang nakakaaliw na sina Allan K at Ima Castro.
Sabi ni Sir Bong, most requested sina Allan at Ima Castro kaya kinuha uli nila ang dalawa para sa show na “Christmas Fever In November”.
Siyempre, kilalang-kilala si Allan sa mga pagpapatawa niya sa Eat Bulaga pero kakaiba ang ginagawa niyang pag-aliw sa patrons ng Casino Filipino. Makakasama niya sina AJ and Le Chaz ngayong gabi sa Casino Ronquillo Satellite at bukas sa Nov. 21 sa Casino Filipino Olongapo at sa Nov. 26 naman sa Casino Filipino Tagaytay.
“Kung naaliw sila sa mga ipinakita ko noon, siguradong mas maaaliw sila sa mga gagawin namin sa darating na shows ko sa Casino Filipino. Pinaghandaan ko ito nang husto kaya’t tiyak na hanggang sa pagtulog nila ay may maiiwang ngiti sa kanilang mga labi. Riot ito,” banggit ni Allan K.
Hindi rin magpapahuli ang world-class singing talent na si Ima Castro. Nasa Casino Filipino Tagaytay si Ima sa November 22 at nasa Casino Filipino Angeles naman siya sa November 28 kasama ang all-female singing group Pretty Young Thing.