Pinuna kahapon ng United Nationalist Alliance (UNA) ang Commission on Audit (CoA) bunsod ng kuwestiyunableng pagkakaantala ng pagpapalabas ng audit report ng Taguig na naglalaman ng accounting ng umano’y P1 bilyong halaga ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Lumitaw sa COA website na sa mga lokal ng pamahalaan sa Metro Manila, tanging ang Taguig at Pateros ang wala pang ipinapaskil na taunang audit report.

Hinamon ni UNA Interim President at Navotas Rep. Tobias Tiangco ang COA na magpaliwanag sa pagkakaantala ng website posting na isinagawa ng Pasig City noong Oktubre.

“The rest were, I think, uploaded by batches, on the same dates. Mayroon bang itinatago ang Taguig na ayaw makita ng publiko?” tanong ni Tiangco.

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Nagpapalabas ang COA ng annual audit examination ng iba’t ibang lokal na pamahalaan, kabilang ang mga state-owned corporation at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa 2013 noong Mayo.

Subalit ipinagtataka ng UNA official kung bakit wala pa ring ipinapaskil na audit report ang CoA para sa ilang ahensiya, kabilang ang Pateros at Taguig City.

Nais ni Tiangco na maisapubliko ang audit report ng Taguig City matapos makatanggap umano ng malaking halaga ng PDAF si Senator Alan Peter Cayetano at kapatid nitong si Rep. Lino Cayetano. - Ben Rosario