Solong liderato ang tatargetin ngayon ng powerhouse team Hapee sa pagsagupa sa baguhang Bread Story–Lyceum sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Nasa 3-way tie sa kasalukuyan sa pangingibabaw na taglay ang barahang 3-0 (panalo-talo), kasama ang Café France at Cagayan Valley, pupuntiryahin ng Fresh Fighters ang kanilang ikaapat na sunod na panalo kontra sa Bread Story sa ganap na alas-2:00 ng hapon matapos ang unang salpukan sa pagitan ng mga baguhang Racal Motors at MP Hotel.

Nakatakda namang magtuos sa tampok na laro ang dalawa pang baguhang team na AMA University at MJM Builders-FEU sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Wala pang katiyakan kung makalalaro ang collegiate players ng Fresh Fighters na kinabibilangan ng anim na manlalaro ng San Beda College (SBC) at isang player ng National University (NU) na nagtungo ng Cebu upang maglaro para sa kanilang school squads sa Elite 8 ng ginaganap na Philippine Collegiate Champions League (PCCL).

National

Ikinakasang rally ng INC kontra impeachment kay VP Sara, pinaghahandaan na ng MMDA

Ang mga manlalaro ay sina Ola Adeogun, Baser Amer, Arthur dela Cruz, Ryusei Koga, Jaypee Mendoza at Nichole Sorella ng SBC at Troy Rosario ng NU.

Kapag nagkataon, magkakasya na lamang si Hapee coach Ronnie Magsanoc sa mga nalalabi niyang manlalaro na kinabibilangan nina dating league MVP Garvo Lanete, Kirk Long, Marvin Hayes, Arnold Van Opstal, Scottie Thompson, Bobby Ray Parks at Chris Newsome.

Nasa kanila rin ang desisyon kung ia-activate ang isa nilang manlalaro na nasa reserve list na si Nico Elorde ng Ateneo para magkaroon ng walong player sa kanilang rotation.

Sa kabilang panig, inspirado pa matapos makamit ang unang panalo sa tatlong mga laro, magtatangka naman ang Bread Story na dugtungan ang natamong 69-64 na tagumpay laban sa Tanduay Light noong nakaraang Huwebes.

Sa pambungad na laro, maghahabol naman na makabasag sa win column ang Alibabas na hindi pa nagwawagi matapos ang unang tatlong laro sa kanilang pagsagupa sa MP Hotel Warriors na hangad namang bumalik sa winning track kasunod ng huling kabiguang natamo sa kamay ng Titans, 76-85.