ni Mario B. Casuyuran

Mistulang hindi pa sapat ang mga akusasyong korupsiyon laban sa kanya noong siya pa ang alkalde ng Makati City, ngayon naman ay posibleng makulong ng apat hanggang anim na taon si Vice President Jejomar Binay kung mapatutunayan ng korte na nagkasala siya sa pakikipagsabwatan sa rebelyon.

Inihayag kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago ang posibilidad na ito, sinabing posibleng maging criminally liable si Binay dahil sa “conspiracy to commit rebellion” kasunod ng pagbubunyag kamakailan ni Sen. Antonio Trillanes IV na noong alkalde pa ang Bise Presidente ay nakipagsabwatan ito kay Trillanes at sa iba pang kasamahan ng huli sa militar upang mapatalsik sa puwesto ang administrasyong Arroyo noong 2007.

Matapos umurong ni Binay sa debate kay Trillanes na unang itinakda sa Nobyembre 27 kaugnay ng usapin sa mga akusasyon ng korupsiyon na ibinabato sa Bise Presidente batay sa mga pagdinig ng sub-committee ng Senate Blue Ribbon, ibinunyag ng nairitang senador na kasama niya si Binay sa pagpaplano ng pagpapatalsik sa puwesto kay noon ay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

National

Ka Leody, Luke Espiritu, tatakbong senador sa 2025

Ayon kay Trillanes, nangako umano sa kanya si Binay na gagamitin nito ang posisyon bilang alkalde upang pakilusin ang mga kawani ng Makati City Hall, ang mahihirap, ang mga estudyante ng University of Makati, ang mga Makati traffic enforcer at ang mga pulis upang suportahan ang grupo ni Trillanes na Magdalo laban sa gobyerno.

Gayunman, ayon kay Trillanes, hindi tumupad si Binay sa pangako nito.

Sinabi ni Trillanes na kinailangan niyang ibulgar ang nasabing insidente may ilang taon na ang nakalilipas upang ipakita na hindi dapat pagtiwalaan si Binay dahil hindi ito tumutupad sa mga pangako.

Sinabi ni Santiago na sa bisa ng Article 136 ng Revised Penal Code (RPC) ang krimen ng pakikipagsabwatan para magsagawa ng rebelyon ay may katumbas na parusang hanggang apat na taon, dalawang buwan at isang araw hanggang anim na buwang pagkakakulong, at multang hindi hihigit sa P5,000.