Nagbigay ng legal advice si Akbayan Partylist Representative Atty. Chel Diokno sa isang orange na prutas na nais magpalit ng pangalan at matawag na "Sharmaine," na karakter mula sa viral social media content ng content creator na si Baett.
Mapapanood sa skit ng content creator ang isang orange na nagrereklamo sa kasama niyang mangga dahil mukhang hindi raw napag-isipan ang kaniyang pangalan kumpara sa iba pang prutas.
“Naiinis naman ako teh kasi parang hindi ako pinag-isipan. Diba ikaw ang pangalan mo ay ‘Mango.’ pero dilaw ka naman. Oh diba parang obvious naman sa akin ‘Orange.’ Wala na bang iba?” rant ng prutas na orange.
Kaya nang tinanong siya ng kasamang mangga sa skit kung anong pangalan ang gusto niya, agad na sinabi ng orange na “Sharmaine” ang nais niyang itawag na lamang sa kaniya.
Kaya kaugnay nito, nagbigay ng legal advice ang mambabatas para kay Sharmaine.
"Sharmaine, kung gusto mo palitan ang pangalan mo kailangan mong dumaan sa korte," saad ni Diokno sa isang video na kaniyang ibinahagi sa social media.
"May dalawang dahilan na tinatanggap. Una, kung ang pangalan mo ay masyadong katawa-tawa, nakakahiya, o nagiging sanhi ng matinding diskriminasyon," paliwanag ng kongresista.
"Pangalawa, kung matagal mo nang ginagamit sa publiko ang pangalang 'Sharmaine' at dun ka nakilala ng lahat," dagdag pa niya.
Sa dulong bahagi ng video, tinanong ni Diokno kung katawa-tawa ba ang pangalang orange.
"Ang tanong ngayon, katawa-tawa ba ang pangalang orange? Palagay ko hindi naman," saad niya.
"Mas marami pa ngang nagsasabi na mas katawa-tawa ang mangga," hirit pa ng kongresista.
Umani naman ng iba't ibang komento ang naturang video ni Diokno dahil bukod sa legal advice, nag-react ang mga ito sa huling sinabi ng mambabatas.
"di naka ilag si sen you know who... HAHAHAHA"
"The shadeeee"
"Mas katawa-tawa ang mangga!"
"Winner yung last part po"
"Aray mo!!! Ang mangga"
"Katawa-tawa talaga yung mangga eh baka totoong ampon?"
"Hahaha may pasabog pala sa huli"