GENERAL SANTOS CITY- Labing-isa sa top 20 billiard players sa mundo ang lumagda na upang sumabak sa Philippine Open 10-Ball Championships sa Disyembre 8 hanggang 16 sa SM City Mall dito.

Pangungunahan ni world No. 2 Shane van Boening, No. 3 Chang Yu Lung ng Taipei at No. 4 Dennis Orcullo ng Pilipinas, ang pinakamataas na level ng kompetisyon ay inaasahang magpapainit sa kaakit-akit na siyudad kung saan ay tinatawag ito na tuna capital sa mundo.

Inaasahang lolobo pa ang listahan ng mga magpapartisipa kung saan ay sinimulan na ang countdown para sa pinakamayaman at prestihiyosong $150,000 finals.

Ipadadala ng Kuwait sina Omar Al Shaheen, Khaleed al Mutaire at Muhammad al Alshammari at nagkumpirma na rin ng kanyang paglalaro si Mexican Ruben Bautista.

National

4.7-magnitude na lindol, tumama sa Davao Occidental

Nagpadala na rin ang Iranians at Poles ng kanilang feelers.

Susubukan nang nakaraang buwan na GenSan Tuna Festival Pacman Cup champion na si Thorsten Hohmann ng Germany, kasalukuyang world No. 7, na mapasakamay ang back-to-back wins sa singles division na may nakalaang $50,000 premyo.

Dadalo si Hohmann, tinawag ang Pilipinas bilang ikalawang tahanan niya kung saan ay mayroon siyang Filipina girlfriend at Filipino relatives, sa selebrasyon ng kaarawan ni sportsman at billiards participant Manny “Pacman” Pacquiao, siyang naglaan ng kabuuang prize fund kung saan ay inimbitahan din nito ang mga kaibigan sa bilyar upang makibahagi rin sa selebrasyon ng kanyang ika-36 taong kaarawan.

Hindi pa nagkukumpirma si world No. 8 Li Hewen ngunit ipinarating ng China na magpapadala sila ng mga pinakamagagaling na manlalaro upang makipagsabayan sa Filipinos, pamumunuan din ni world No. 9 Carlo Biado, No. 10 Johann Gonzales Chua, No. 17 Lee Van Corteza, No. 19 Jeffrey Ignacio, No. 20 Warren Kiamco at No. 21 Elmer Haya.

Umentra na rin sina world No. 11 Ko Pin Yi at No. 12 Chang Jung Lin ng Chinese Taipei, kabilang din si legendary Chao Fong Fang.

Hindi kailangang isantabi si multi-titled at Finland’s world champion Mika Immonen, kasalukuyang ranked 13th, kasama ang iba pang magagaling na mga beterano, kabilang na sina Francisco “Django” Bustamante at Efren “Bata” Reyes, nasa ranggong ika-36 at ika-37, ayon sa pagkakasunod.