Nagbabala sina Senate Majority Leader Alan Peter S. Cayetano at Senate Minority Leader Vicente C. Sotto III na posibleng maging ugat ng kaguluhan ang planong pagbabalik sa “manual counting” ng balota sa 2016 national elections.

Ito ay bilang reaksiyon sa panukala ng Philippine Constitution Association (Philconsa) sa Kongreso na magpasa ng batas na magpapatupad ng manu-manong pagbilang ng boto sa 2016 presidential elections upang makaiwas sa dayaan.

Iginiit ng Philconsa na lumikha ng pagdududa sa mga mamamayan ang umano’y nangyaring dayaan noong nakaraang eleksiyon dulot ng paggamit ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine.

Samantala, itinuring ni Sotto na “mapanganib” ang panukala ng Philconsa dahil mas madaling mandaya sa manu-manong pagbibilang ng balota.

National

Sen. Go, ibinahagi pakikipagkita nila ni Ex-Pres. Duterte kay INC leader Manalo

“Mas okay na ang automated. Mas dangerous ‘yang proposal ng Philconsa official at iba. Nakakatakot ‘yan,” pahayag ni Sotto.

Binansagan naman ni Cayetano na “baliw” ang mga grupo na humihikayat sa Commission on Elections (Comelec) na itigil na ang paggamit ng mga PCOS machine.

Unang ginamit ang automated election system (AES) noong 2010 elections base sa nakasaad sa batas upang hindi na maulit ang “dagdag-bawas” na naging ugat ng malawakang dayaan sa mga nakaraang halalan. - Mario B. Casayuran