Mga laro sa Nobyembre 13 (Ynares Sports Arena):
12pm – Tanduay Light vs. Bread Story-Lyceum
2pm – Cafe France vs. Jumbo Plastic
4pm – Cebuana Lhuillier vs. Cagayan Valley
Nakabalik ang Wangs Basketball sa winning track makaraang makalusot sa matinding hamon ng baguhang Racal Motors, 80-72, kahapon sa pagpapatuloy ng 2015 PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Dalawang beses pang tumabla ang Alibabas sa final period, pinakahuli sa iskor na 67-all matapos ang isang basket ni Jaycee Asuncion, may 6:15 pang nalalabi sa laban.
Buhat doon naglatag ang Wangs ng 13-5 run upang siguruhin ang tagumpay, ang kanilang ikalawa sa unang tatlong laban na nagbaba naman sa Racal Motors sa barahang 0-3, panalo-talo.
“Mataas ang kumpiyansa ngayon ng mga bata compared du’n sa nakaraang laro namin,” pahayag ni Wangs coach Pablo Lucas.
Ayon pa kay Lucas, malaking tulong sa kanila ang ipinakitang game-long agressiveness sa depensa para makabalik sa winner’s circle.
Tumapos na topscorer para sa Wangs sina Rocky Acidre at Michael Miranda na nag-poste ng tig-15 puntos habang nag-ambag naman sina Macky Acot at Paolo Pontejos ng 13 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna naman para sa Racal Motors si Raymond Jamito na nagposte ng 19 puntos at 12 rebounds.
Nauna rito, mula sa dikdikang labanan sa first canto na nagtapos sa patas na iskor na 19-all, kumalas ang Wangs sa second quarter at ipinoste ang 42-35 na kalamangan sa halftime.
Nagsanib puwersa sina Macky Acosta, Paolo Pontejos, Jovet Mendoza at Michael Miranda at nagtala ng pinagsamang 18 puntos para pamunuan ang pag-ungos nila sa Alibabas, 23-16 sa second period.