Muling inilunsad kahapon ang proyektong pangkabuhayan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na magkakaloob ng negosyo sa daan-daang dalagang ina sa lungsod.
Para sa proyektong “Tindahan ni Ate Joy”, muling maglalaan ng puhunan si Belmonte para may kabuhayan ang mga single mom sa siyudad.
Nabatid na bago sumapit ang Pasko ay ipagkakaloob na sa 200 single mom ang P10,000 halaga ng grocery items na magagamit sa pagsisimula ng mga ito ng negosyo at makatulong sa araw-araw na pamumuhay.
Sinabi ng bise alkalde na sinimulan ang proyekto noong 2013 at muling binuhay ngayon upang maalalayan ang pinansiyal na pangangailangan ng mga single mom sa lungsod.
Ngayong buwan ay nag-ikot-ikot na ang mga tauhan ni Belmonte mula sa una hanggang ikaanim na distrito ng Quezon City para matukoy ang mga benepisyaryo ng naturang proyekto.
Noong nakaraang taon ay 200 single mom ang nabiyayaan sa proyekto na hanggang ngayon ay napakikinabangan na ng kani-kanilang pamilya at lumago na ang kanilang mga tindahan.
Ang nasabing proyekto ni Belmonte para sa mga single mom ay bukod pa sa libreng medical at eye check-up, pap smear, tulong legal at iba pa.