Upang hikayatin ang publiko na tangkilikin ang mga ferry boat bilang alternatibong transportasyon at makaiwas sa masikip na trapiko, kinokonsidera ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palawigin ang operating hours ng Pasig River ferry system lalo na’t papalapit ang Pasko.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na malaking tulong ang Pasig River ferry ngayong papalapit ang holiday season para sa mga commuter na inaasahang dadagsa sa Metro Manila upang mag-shopping.

Tuwing Pasko, dumadagsa sa Metro Manila ang mga biyahero mula sa probinsiya upang mamili at ito ang dahilan ng pagsisikip ng trapiko.

Subalit sinabi ni Tolentino na isasapinal pa nila ang oras ng pagbubukas at pagsasara ng ferry service upang mas maraming pasahero ang makasakay.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Sa kasalukuyan, ang Pasig ferry service ay bukas mula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.

Ang Pasig ferry service ay may anim na istasyon: Guadalupe (Makati City), Pinagbuhatan, (Pasig City); Escolta at PUP Sta. Mesa, Plaza Mexico at Sta. Ana (Manila).

Sa ngayon, may 12 ferry ang MMDA na nagsasakay ng pasahero sa anim na istasyon sa Pasig River – mula Pasig City hanggang Maynila.

Ang isang ferry ay kayang magsakay ng hanggang 30 pasahero na nagbabayad ng P30 hanggang P50 depende sa layo ng biyahe. - Anna Liza Villas-Alavaren