Ni Samuel P. Medenilla

Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga Pinoy health worker laban sa panibagong recruitment scam sa social networking site na Facebook na nag-aalok ng illegal job placement sa Canada at Australia.

Sinabi ni POEA Administrator Hans Cacdac na ang Ysaac and Associates, na umani na ng 14,000 “likes” sa Facebook, ay nangangalap ng mga overseas Filipino worker (OFW) bagamat walang awtorisasyon mula sa ahensiya.

“Nurses and caregivers beware. Ysaac and Associates has no license to recruit from the POEA. If it has no license, it is an illegal recruiter,” pahayag ni Cacdac sa kanyang Twitter account.

National

'Unfinished business' ni Roque sa House of Representatives, pinuna ng ilang mambabatas

Sa pamamagitan ng website nito, sinabi ng Ysaac and Associates na may kakayahan itong magpadala ng mga Pinoy nurse at caregiver kahit pa sila ay mga bagong graduate, walang karanasan sa trabaho, at walang professional license.

Subalit pinagbabayad nito ng P3,800 seminar fee ang bawat aplikante matapos magsumite ng requirements ang mga ito.

Hulyo ngayong taon nang nagpalabas din ang POEA ng babala sa mga job applicant laban sa mga tiwaling indibiduwal na gumagamit ng email para mag-alok ng trabaho sa Canada.

Upang hindi mabiktima ng mga illegal online job offer, inabisuhan ni Cacdac ang mga aplikante na tiyakin muna sa POEA website kung ang recruitment agency ay may kaukulang lisensiya at may tunay na inaalok na trabaho.