CAUAYAN CITY, Isabela – Kinasuhan ng obstruction of justice si Aurora, Isabela Mayor William “Tet-Tet” Uy, gayundin ang kanyang municipal administrator na si Edna Salvador at si Bienvenido Abalos, ang may ari ng lupa sa Bagong Tanza, Aurora na roon ibinaon ang bangkay ng tatlong lalaking taga-Pinukpok, Kalinga na ipinapatay.

Kinasuhan din sina Senior Insp. Sherwin Concha, dating hepe ng Aurora Police; Insp. Rey Lopez; SPO1 Randolph Cauan; SPO3 Julian Obrero III; PO2 Alex Abalos; PO2 Jose Soliven II; at PO2 Eduardo Apan, pawang nakatalaga sa Aurora Police, makaraan silang ituro ng mga testigo.

Ang mga nabanggit ay kinasuhan ng kidnapping at multiple murder ng mga kaanak ng mga biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DoJ).

Matatandaang simula Mayo 3, 2014 ay mahigit apat na linggong nawala sina Gabriel Ternio, 29; Noel Teod, 18; at Johnny Bangit, 19.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Hunyo 2 naman nang natagpuan ang mga nakabaon nilang bangkay sa Bagong Tanza, Aurora.

Batay sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operations (SOCO), may mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima, na pawang pinugutan at inihiwalay ang mga ulo sa kani-kanilang katawan.

Sinasabing ginagamit ni Uy ang kanyang impluwensiya upang takutin at pagbawalang magsalita ang mga tumestigo.