Inaabangan na ng sambayanan ang debate nina Vice President Jejomar Binay at Senator Antonio Trillanes IV, na itinakda sa Nobyembre 27, hinggil sa multi-bilyong pisong katiwalian na kinasasangkutan umano ng una noong ito pa ang alkalde ng Makati City.
Tuloy na ang nasabing debate nina Binay at Trillanes matapos itong tiyakin ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), na mangangasiwa nito. Ayon sa KBP, ang paghaharap nina Binay at Trillanes ay gagawin sa Philippine International Convention Center (PICC) simula 10:00 ng umaga at inaasahang matatapos ng 12:00 ng tanghali.
Sa isang panayam, sinabi ni KBP Chairperson Ruperto Nicdao na plantsado na ang lahat para sa debate dahil napagkasunduan na ang mga detalye, panuntunan at pagdedebatehang isyu, ayon sa inaprubahan ng magkabilang kampo.
Magsasasagawa naman ng hiwalay na pulong balitaan ang kampo nina Binay at Trillanes matapos ang debate.
Lahat ng miyembro ng KBP ay maaaring dumalo at nagbigay din ito ng imbitasyon sa piling kinatawan ng academe at business community.
Sa Nobyembre 11, target ng KBP na makipag-ugnayan muli sa magkabilang kampo para mapirmahan ang mga inilatag na regulasyon sa debate nina Binay at Trillanes.
Nais ng KBP na live na maisahimpapawid ang debate sa radyo o telebisyon ngunit pagtapos lamang nito maaaring makuha ang komento o pulso ng sambayanan.