HETO NA NAMAN ● Parang minamalas namang talaga ang Metro Rail Transit. Gayong nagsisikap naman silang bigyan ng serbisyong dalisay ang mga pasahero, talagang dinadalaw yata sila ng Angel ng Kamalasan. Napabalita na nagkaaberya na naman ang MRT sa Magallanes Station. Hindi ito dahil sa problemang teknikal o kumalas ang mga turnilyo ng bagon, o nadiskaril sa riles kundi sa basura. Naperhuwisyo ang napakaraming pasahero ng MRT nang magkaaberya ito dahil sa sumabit na basura sa pagitang ng Magallanes Station sa Makati City at Taft Avenue Station sa Pasay City. Paliwanag ng pamunuan ng MRT3, napilitang ihinto ang mga biyahe ng MRT matapos may sumabit na basura sa kable na nagsusuplay ng kuryente sa mga bagon sa pagitan ng Magallanes at Taft Avenue. Gayunman, naayos naman ang problema at naibalik sa normal ang operasyon. Ngunit ang totoong napinsala ay ang mga pasaherong hindi nakarating sa kani-kanilang destinasyon sa takdang oras. Nitong nakaraang dalawang linggo,tila nanahimik sa aberya ang MRT subalit nakakuha naman umano ito ng bagsak na grado mula sa Hong Kong experts na bumisita pa sa bansa upang suriin ang rail system dito.
SALAMAT SA DIYOS ● Gumagana na ang mga inihandang hakbang ng ating gobyero laban sa nakamamatay na Ebola virus. Nakumpirma na ng Armed Forces of the Philippines na pumasa na sa screening ang may 108 Pinoy peacekeepers sa Libraria ilang araw bago pa man ito nakatakdang magbalik ng Pilipinas. Ayon sa AFP public affairs office na kahit nakapasa ang naturang mga sundalong Pinoy sa Liberia sa pagsusuri, kailangan pa ring sumailalim nsa quarantine ang mga ito. Ika-quarantine ang mga sundalong peacekeeper sa Caballo Island malapit sa Corregidor sa loob ng 20 araw. “The Ebola screening test is a requirement by the UN mission in Liberia before repatriating the peacekeepers back to their home country,” ani AFP Public Affairs Office chief Lt. Col. Harold Cabunoc. Sa kasalukuyan, hawak na ni Col. Roberto Ancan, Commanding Officer ng Peacekeeping Operations Center ang kopya ng clinical assessments ng mga Pinoy peacekeeper na sumalang na sa Ebola screening. Noong Biyernes lamang, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino na ang isla ng Caballo ang siyang magiging tahanan ng nasa 142 Pinoy peacekeeper na uuwi mula Liberia. Ang Caballo Island ay nasa Corregidor. Tiniyak ni AFP Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang na mayroong recreational facilities sa Caballo Island bukod sa medical facilities kaya hindi maiinip ang mga naka-quarantine. May libreng wi-fi kaya roon? Mugugustuhan ng mga sundalo natin ang pamamalagi nila sa Caballo Island dahil mistulang bakasyon grande para sa kanila.