Sinipag akong maglinis ng aming kusina isang umaga. Sa aking pagkuskos ng working area na gawa sa tiles, nakabig ko ang isang bote ng toyo at nabasag sa pagtumba. Kumalat ang toyo sa nalinis ko nang working area. Gusto ko sanang tumambling nang bonggang-bongga sa panghihinayang pero kumuha na lang ako ng espongha at sinipsip niyon ang toyo. Mabuti na lang mahusay ang espongha na nabili ko sapagkat absorbent.
Karamihan sa mga espongha na ginagamit ngayon sa mga tahanan ay artipisyal. Ang totoong espongha ay minsang nabuhay sa dagat. Kapag hinango ang isang buhay na espongha mula sa dagat at inalis ang buhay na mga elemento nito, nagiging kapaki-pakinabang ito bilang panlinis. Ang kalansay ng espongha ay may istruktura na maaaring sumipsip ng likido sapagkat absorbent.
Ang mga bata ay parang mga espongha. Natitipon sa kanila ang mga pag-uugali at mga ideya na kanilang natututuhan sa iba. Kailangan nating maging maingat sa pagpuno ng kanilang isipan.
Anu-ano ba ang naa-absorb ng iyong ng mga anak sa inyong tahanan? Ano ang nakukuha nila mula sa panonood sa telebisyon, mula sa Internet, mga babasahin, mga video game? Ano ang natututuhan nila sa pakikinig sa musikang nakagigiliwan nila? Ano ang natutuklasan nila sa pakikinig sa pag-uusap ng matatanda? Anu-anong salita ang ginagamit mo na dumadagdag sa kanilang bokabularyo? Mayroon bang espirituwalidad sa inyong tahanan? May ginagawa ka ba upang mapuno ang kanilang puso ng mga aral ni Jesus? Teka, kilala ba nila si Jesus?
Kapag nagsilakihan na ang mga bata, inilalabas nila ang mga bagay na na-absorb nila mula pa noong pagkabata. Tiyakin natin ang maliliit na “espongha” na iyon ay nag-a-absorb ng angkop at wholesome na karunungan.
Anuman ang ma-absorb ng iyong mga anak ngayon, tiyak na ibubuhos nila kalaunan sa kanilang buhay.