Darating na bukas sa Villamor Air Base sa Pasay City ang 108 Pinoy peacekeeper mula Liberia, kasama ang 24 tauhan ng Philippine National Police (PNP) at isang miyembro ng Bureau of Jail Management Penology (BJMP) na nagsilbi sa UN mission sa bansang naapektuhan ng Ebola virus.
Bagamat nakumpirma na negatibo sa Ebola virus sa isinagawang medical examination ng UN, agad na dadalhin pa rin ang mga Pinoy peacekeeper sa Caballo Island sa Cavite ang grupo upang sumailalim sa 21-day quarantine upang matiyak na hindi sila apektado ng nakamamatay na sakit.
Ang clinical assessment ay mahigpit na ipinatutupad sa mga peacekeeper na nakatakda nang bumalik sa kani-kanilang bansa matapos ang kanilang misyon sa Liberia.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Gregorio P. Catapang Jr., darating ang 108 miyembro ng 18th Philippine Contingent to Liberia (PCL) bukas ng madaling araw lulan ng UTair Aviation mula Monrovia, Liberia.
“Hindi ito (quarantine) ginagawa dahil they are infected. We want it to make it clear so that the families, the public is assured that we are undertaking everything possible in order to make sure the country remains Ebola-free,” pahayag ni Maj. Gen. Domingo Tutaan, tagapagsalita ng AFP. - Elena Aben