Pinabulaanan ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla ang mga alegasyon na nagsimula na ang kanyang pangangampanya para sa senatorial race sa 2016 nang dumalo siya noong Sabado sa unang anibersaryo ng pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ sa Tacloban City sa Leyte.

Ipinaliwanag ng mambabatas na pinakiusapan lang siya ng kanyang asawa na si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. na iparating ang pakikisimpatiya ng senador sa mga residente ng Tacloban.

“Tayo ay nandito para makiramay, nagbababang luksa ang mga kaibigan at kababayan natin at nararapat lang na nandito tayo, kasama sila,” sinabi ni Mercado sa mga mamamahayag sa Patio Victoria.

Matatandaan na bago ikinulong sa kasong pandarambong kaugnay ng pork barrel scam, binisita ni Senator Revilla ang Tacloban City na isa sa mga lugar na matinding sinalanta ng Yolanda.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

“My husband is in detention, mahigpit niyang ipinagbilin sa akin na dumalaw muli rito. I am coming back here as a friend and kababayan,” pahayag ng dating aktres.

Naniniwala si House independent bloc leader at Leyte Rep. Ferdinand Romualdez na sinsero sina Congresswoman Lani at Senator Bong sa pakikiramay sa mga nasalanta ng bagyo sa Tacloban at sa iba pang lugar sa Eastern Visayas.

“Marami nang problema si Congresswoman Lani subalit nakuha pa niyang magtungo dito upang iparating ang kanilang pakikisimpatiya,” ani Romualdez.