Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 565 bagong kaso ng HIV/AIDS sa bansa nitong buwan lamang ng Setyembre, 2014, kabilang na ang isang bata na nahawaan ng kanyang ina.

Batay sa Philippine HIV and AIDS Registry ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ang naturang bilang ay mas mataas ng 32 porsiyento sa naitalang 427 kaso sa kahalintulad na buwan noong nakaraang taon.

Sa bilang na ito, 13 ang iniulat na namatay na kinabibilagan ng anim noong Setyembre at pito bago ang reporting month.

Ang 94-porsiyento ng mga kaso ay kalalakihan at ang mga nagkasakit ay nagkaka-edad lamang ng 13 hanggang 67 taong gulang. Pinakamaraming naitalang kaso ang mga nasa 20-29 age group na umabot ng 59-porsiyento.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Ayon sa DOH, 538 sa mga pasyente ay nahawa sa pamamagitan ng sexual contact, 26 ang nagkasakit dahil sa paggamit ng karayom sa pagtuturok ng droga, at isa ang mother-to-child transmission, na nagkaka-edad lamang ng 13-anyos.

Nananatili ang ‘males having sex with other males’ o MSM bilang predominant type ng sexual transmission na may 81porsiyento.

Ang 80 porsiyento ng mga pasyente ay mula sa National Capital Region (NCR), sumunod ang Region 4A, Region 3, Region 7 at Region 11.

Bunsod ng mga bagong kaso ng sakit, pumalo na sa 4,473 ang bilang ng mga Pinoy na kinapitan ng HIV/AIDS sa bansa ngayong taong 2014 at kabuuang 20,989 naman mula 1984 hanggang Setyembre 2014.

Pumalo sa kabuuang 1,065 ang naitalang namatay sa sakit mula 1984 hanggang Setyembre 2014, kabilang ang 126 na naitala mula Enero 2014 hanggang Setyembre 2014.