Mga laro ngayon (Ynares Sports Arena):

12pm -- Hapee vs. AMA University

2pm -- Jumbo Plastic vs. Cebuana Lhuillier

4pm -- MJM Builders-FEU vs. Tanduay Light

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Habang marami ang nag-aabang sa debut game ng sinasabing pre-season favorite Hapee Toothpaste, nakaantabay din ang marami sa tapatan ng baguhang MJM Builders-Far Eastern University at ng Tanduay Light, ang dating Boracay Rhum team, ngayong hapon sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2015 PBA D-League Aspirants Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Dahil sa pagkakaroon ng star-studded line-up na kinabibilangan ng mga manlalaro mula sa NCAA 5-peat champion team San Beda at UAAP champion team National University at dating champion De La Salle, itinalaga na early favorite para maging title contender ang nagbabalik sa basketball scene na Hapee Toothpaste ng lahat ng labing-isa nilang katunggaling koponan sa liga.

Gagabayan ni dating San Beda coach Ronnie Magsanoc, ang koponan na pinangungunahan nina dating UAAAP 2-time MVP Bobby Ray Parks, dating D-League MVP at NLEX stalwart Garvo Lanete, NCAA Season 90 MVP Scottie Thompson, Arthur de la Cruz, Jethroy Rosario, Chris Newsome, Baser Amer, Ola Adeogun at Arnold Van Opstal ay pinapaborang manaig ang Fresh Figthers sa kanilang makakatunggaling AMA University Titans na galing naman sa kabiguan sa una nitong laban sa kamay ng Wangs Basketball noong opening sa unang laban ganap na ika-12 ng hapon.

Kasunod nito, mag-uunahan namang makapagtala ng ikalawang panalo para sa solong pamumuno ang mga kasalukuyang lider Jumbo Plastic Lioneleum at ang Cebuana Lhuillier sa kanilang pagtutuos ganap na ika-2 ng hapon.

Kasalukuyang nasa 4-way tie sa pangingibabaw ang Gems at ang Giants kasama ng Cagayan Valley at Café France matapos magsipagwagi sa kani-kanilang bunang laban.

Nag-aagawan naman sa karapatan para sa manlalarong si Mark Belo, magtutuos sa tampok na laro ganap na ika-4 ng hapon ang Builders at ang Tanduay.

Tiyak na aabangan ang tapatan ng dalawang koponan kung saan at anong uniporme ang isusuot ni Belo na dating naglaro at may existing contract sa Tanduay bilang dating bahagi ng koponang Boracay Rum na pilit namang ipinaglalaban ng kanyang mother at school team na Tamaraws.

Nagbanta na ang pamunuan ng Tanduay na maaaring dalhin nila sa korte ang kaso kung hindi kikilalanin ni Belo ang pinirmahan niyang kontrata na nakatakdang mapaso sa Mayo 31 pa ng susunod na taon.

Iginigiit naman ng FEU ang kanilang karapatan dahil sa patakarang “school first” ng liga para sa mga school based teams na kalahok.