ARJO Atayde

DAHIL usap-usapan ang bagets na nagki-claim na anak daw siya ni John Lloyd Cruz, nang magkatawagan sa phone nitong weekend ay natanong namin si Sylvia Sanchez (gumaganap na nanay ni Lloydie sa The Trial) kung ano ang gagawin niya kung sakaling may kumatok sa bahay nila at nagpakilalang anak ito ng panganay niyang si Arjo Atayde.

“Siyempre magugulat, pero tatanggapin ko, pero sasapakin ko si Arjo kasi bakit hindi niya sinabi sa akin,” diretsong sabi ng matapang na ina ng aktor.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Pero imposible kasi wala ngang sex ‘yan, busy sa taping ng Pure Love kasi araw-araw na sila, malapit na rin kasing matapos. Hanggang banyo-banyo lang ‘yan si Arjo,” pambubuking ng nanay ng aktor na ikinatawa namin.

Walang girlfriend ngayon si Arjo imposible itong makabuntis ngayon.

“Madali akong kausap, ipapa-DNA ko kaagad at siguraduhin lang ni Arjo na tisoy o tisay ang anak niya dahil buong pamilya ay tisay, pati mga pinsan niya both sides dahil kung hindi, eh, malabo talaga,” patuloy ni Ibyang.

Paano kung kayumanggi ang bagets?

“Ha-ha-ha, basta ipapa-DNA ko at kung apo ko nga siya talaga, eh, di maganda, parati ko siyang kakantahan ng ‘alin-alin ang naiba, ha-ha-ha,” masayang sabi ng aktres sa kabilang linya.

Pero may pakiusap si Ibyang.

“Sana huwag munang mag-anak si Arjo, magpakayaman muna siya, mag-ipon siya, mag-invest siya, magtayo siya ng sarili niyang negosyo para kung maisip niyang magpamilya, eh, kaya niyang tumayo sa sariling paa. Ngayon kasi wala pa, naghuhulog pa lang siya ng nabili niyang condo para may investment.

“Ang ginagawa ko kasi, lahat ng kita niya, nakabangko. Kasi si Arjo, hindi niya kinukuha ang kita niya sa Pure Love o maski sa ibang shows niya, humihingi lang ‘yan ng allowance every week, panggasolina at pambili ng pagkain, ‘yun lang.

“Kaya the rest (ng kita), nakabangko at pambayad nga sa condo niya. Para at least kapag nagtanong siya saan napunta pera niya, eh, may ipapakita ako.”

Masayang-masaya si Ibyang na maraming pumupuri sa magandang performance ni Arjo sa Pure Love.

“Mana talaga sa akin, ha-ha-ha-ha. Sana nga magkaroon din kami ng movie project together, ‘yun ang pangarap ko. Natupad na sa serye, di ba, itong Pure Love, mag-ina kami rito, so movie naman sana sa susunod,” pahayag ng aktres.