Hangad ng isang babaeng kongresista na magkaroon ng restructure sa liderato at mga programa ng Bureau of Animal Industry (BAI) upang higit na mapasigla at mapatatag ang industriya ng agrikultura, partikular na ang P100-bilyon manukan.

Inihain ni AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin ang House Bill 5051 upang tugunan ang mga bantang kinakaharap ng industriya ng paghahayupan, na may malaking ambag sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa.

Sa panukala ni Garin, babaguhin ang pangalan ng BAI at gagawing National Livestock and Veterinary Services Authority (NLVSA), na isasailalim sa Department of Agriculture (DA).

Ang NLVSA ang mangangasiwa at magsusulong sa kalusugan, kapakanan at productivity ng lahat ng hayop na pagkain para sa kaligtasan sa pagkonsumo nito, seguridad sa pagkain at kaunlaran sa mga lalawigan.

National

OVP, nagpaliwanag hinggil sa 'casual meeting' nina VP Sara at Ex-VP Leni sa Naga

“Sa unang quarter pa lang ng 2014 ay naitala na ng Bureau of Agricultural Statistics na ang livestock at poultry subsectors ang bumubuo sa 30 porsiyento ng kabuuang agricultural output ng bansa, na nasa P59.43 bilyon,” sabi ni Garin.

Ang NLVSA ay bubuuin ng isang Director General, isang Deputy Director General for Regulatory Services at isang Deputy Director General for Research, Development and Extension Services.

Sa ilalim ng panukala, ang Committee on Animal Welfare (CAW) at ang Animal Feed Control Advisory Committee (AFCAC) ay gagawing National Advisory Committee for the Welfare of Animals (NACWA) at Animal Feeds Advisory Committee (AFAC), ayon sa pagkakasunod.

Oobligahin ng HB 5051 ang gobyerno na magkaloob ng karagdagang allowance at benepisyo sa mga veterinary officer (VO); animal health technician (AHT), at beterinaryo na kawani ng NLSV, alinsunod sa Magna Carta for Public Health Workers.

Itinuturing na paglabag sa panukala ang kabiguang mag-ulat tungkol sa malulubhang sakit ng hayop, hindi pagtupad sa mga tungkulin ng NLVSA, maling mga pahayag, hindi pagrerehistro sa mga transport facility at equipment, paggamit ng pekeng certificate, ilegal na paggawa at paggamit ng feeds at veterinary drugs, at pagtangging magbakuna ng mga hayop.