Mapipilitan ang Pilipinas na umangkat ng panggatong sa paggawa ng kuryente gaya ng liquefied natural gas (LNG) pagkaraan ng sampung taon.

Ito ang inihayag ni Energy Secretary Jericho Petilla sa panayam ng mamamahayag sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City, na hanggang 2024 na lamang ang itatagal ng Malampaya Natural Gas.

“We have no option but to import,” diin ni Petilla.

Idinagdag ni Petilla na ang inaasahan at tinatayang malaking balon ng petrolyo sa Service Contract 72 ay kasalukuyang nasa exploration stage na.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Naiulat na mahigit sa 2.7 trillion cubic feet ang lamang langis at natural gas ng nabanggit na balon sa Recto o Reed bank, kung saan tatlong kompanya ang kasalukuyang nagsasagawa ng seismic test o exploration.

Kaugnay nito, inaasahang babaguhin ng Kongreso ang draft ng joint resolution na naglahad ng mga solusyon sa power crisis sa tag-araw sa 2015 matapos ilahad ng mataas na opisyal ng DoE sa pagdinig sa House Committee on Energy na kakulangan sa reserba at hindi sa supply ang problema sa 2015.