Kasunod ng kanilang muling pagkabigo sa nakaraang NCAA Season 90 men’s basketball Final Four sa kamay ng defending champion San Beda College (SBC), nais nang kalimutan ng University of Perpetual Help ang lahat at ituon na lamang ang kanilang pansin sa susunod na season.

Sa pangunguna ng leading MVP candidate na si Earl Scottie Thompson, kasama ang pagpasok ng dalawang African players, mukhang may mas magandang tinatanaw ang Altas para sa Season 91.

“Nakalulungkot na natalo na naman kami sa San Beda,” pahayag ni Thompson na tinukoy ang dalawang sunod na taong pagkatalo nila sa Red Lions sa Final Four.

“Pero hindi naman doon natatapos ang lahat, mayroon pa namang next year at doon magbakasakali ulit kami na makuha na ‘yung inaasam naming championships dito sa NCAA,” dagdag nito.

National

Tulfo brothers, nanguna sa senatorial survey ng OCTA

Kabilang sa mga dahilan kung bakit optimistiko pa rin si Thompson ay dahil makakasama nila ang Nigerians na sina Akhueti Bright at Eze Prince sa kanilang kampanya sa susunod na taon.

At kahit ang kanilang head coach na si Aric del Rosario ay positibo rin ang pananaw hinggil dito.

“Malakas ‘yung dalawa at bata pa. Sana mag-jell silang mabuti kay Scott at sa iba pa naming players,” ani Del Rosario.

Samantala, hindi naman pinalampas ni Del Rosario ang pagkakataon upang purihin at pasalamatan ang kanyang mga manlalaro na kahit na maliliit ay hindi naman nagpatinag sa mas malalaki at malalakas nilang katunggali.

“Maliit talaga kami this year kasi wala kaming import. Pero next year, madadagdagan na kami ng height,” pahayag ni Del Rosario na pinuri pinasalamatan ang mga magtatapos niyang player na sina Harold Arboleda, Juneric Baloria, Joel Jolangcob at Justine Alano.