ENCHONG-Dee

DIRETSONG inamin ni Enchong Dee na hindi pagiging actor ang pinangarap niya sa showbiz kundi pagiging mang-aawit. Bago siya inalok na pasukin ang showbiz ay gustunggusto niyang maging singer.

Kaya dream come true ang offer sa kanya ng Star Records para gumawa ng kanyang debut album na may titulong Chinito Problems.

“Ngayon ko lang talaga inamin na limang taon pa lang ako noon, eh, gustung-gusto ko na talagang maging singer. Sa totoo lang, bata pa lang ako, eh, ‘yun talaga ang gusto kong gawin,” banggit pa rin niya.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Pero napunta muna si Enchong sa sports, naging swimmer, at hindi naman siya nabigo dahil katakut-takot na medalya ang naiuwi niya mula sa mga kumpetisyon na sinalihan niya here and abroad.

“Pero kahit na nagkapangalan din naman ako sa larangan ng palakasan, eh, hindi pa rin nawawala ang pangarap kong maging singer talaga. Kung ‘yung ibang kaklase ko noon, eh, pangarap nilang maging doctor, eh, ako ‘pag tinanong nila ako noon, eh, singer agad ang isinasagot ko,” sey ni Enchong.

Inamin niya na kapag natatrapik siya ay wala siyang ginawa kundi kumanta nang kumanta.

“‘Yung sa ibang singers, for example sina Martin Nievera, Gary Valenciano, Jed Madela, kapag kumanta, sila lang ang p’wedeng kumanta ng kanta nila kasi sobrang galing nila. Alam ko din naman ang kakayahan ko at ito talaga ang gusto ko,” pag-amin pa ni Enchong.

Samantala, isa si Enchong sa iilang actor na marunong sumagot agad kapag tinitext ng mga reporter. Katwiran niya, pinahahalagahan niya ang pagbibigay importansiya sa kanya ng reporters, huh!