Walang kamatayan ang pangarap. Ito ay lakas-diwang sumusuway maging sa kamatayan.” Isa ito sa taludtod ng tula na kabilang sa kalipunan ng mga isinulat kong tula na nanalo sa Palanca Memorial Literary Awards ilang taon ang nakararaan. Nabanggit ko ito dahil ang kalalawigan kong si Bienvenido Hilario, 88 anyos, ang pinakamatandang bar examinee ay nagtungo sa UST noong Linggo para kumuha ng pagsusulit sa abogasya. Naniniwala marahil si Ingkong Bien na hindi hadlang ang edad sa pangarap niyang maging abogado. Mabuhay ka!
Kabilang si Atty. Hilario, este Lolo Idong, sa 6,344 law graduate mula sa iba’t ibang kolehiyo na dumagsa noong Linggo sa UST upang kumuha ng pagsusulit. Binalingan ako ng kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Bilib ako sa kababayan mo. Balewala ang edad sa kanya basta matupad ang pangarap na maging kasapi ng Bar”. Sabad ni Tata Berto: “Sana ay makapasa na siya sa pangatlong exam na ito matapos mabigo noong 2008 at 2012.” Sana nga.
Kapag nakapasa ang 88-anyos na Lolo, siguro naman ay hindi niya papayagan ang sariling maging kahanay ng mga lawyer na binabaluktot ang tuwid at itinutuwid ang baluktot sa ngalan ng salapi, ginto at katanyagan! Marahil sa kanyang edad, wala na siyang ambisyon na maging congressman o senador para magkamal ng limpak-limpak na salapi mula sa pork barrel at kickback.
***
Talagang naiiba si Pope Francis kumpara sa ibang mga lider ng Simbahang Katoliko. Batay sa mga ulat mula sa Vatican City, inilunsad niya ang malalimang pagsusuri at pagrepaso sa catholic teaching tungkol sa pamilya na may mga implikasyon tungkol sa church attitude hinggil sa pag-aasawa, diborsiyo, pagsasama nang hindi kasal (live-in). May 200 obispo at lay catholics ang magtitipon sa loob ng 2 linggo upang talakayin ang mga isyung ito. Nais ni Pope Francis na paghilumin ang mga sugat na dulot ng pagkawasak ng pamilya sa modernong lipunan.