Direktang inanyayahan ni Senate President Alan Peter Cayetano si National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na dumalo raw sa pagdinig na isasagawa pa nila sa Senate Blue Ribbon Committee.
Base sa naging pahayag ni Cayetano sa itinuloy nilang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, Hunyo 4, 2026, sinabi niyang bukas naman daw ang nabanggit na Komite partikular sa mga kapuwa niyang senador na sina Sen. Vicente “Tito” Sotto III at Sen. Erwin Tulfo.
“Itong hearing natin ay open. If Sen. Tito Sotto or Sen. Erwin Tulfo—’ika nga ni Raffy Tulfo, kung ikaw ay matapang, pumunta ka dito. Kapag ikaw naman ay pumunta dito, ikaw ay uto-uto—pero open. Open po itong hearing na ito,” pagsisimula niya.
Pagkatapos ito ng naging pagdadawit ng ilang mga miyembro ng nagpakilalang 18 ex-Marines kina Sotto at Tulfo na nakatanggap umano ang mga nabanggit ng male-maletang naglalaman ng pera mula kay dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
KAUGNAY NA BALITA: Tito Sen, nahatiran umano ng maleta sa Baclaran!—ex-soldier
Ani Cayetano, puwedeng-puwede rin daw dumalo sa pagdinig ng nasabing Komite si Matibag dahil gusto raw talaga niyang malaman kung nagsasabi ng totoo ang 18 ex-Marines at ang tumatayo nilang abogado na si Sen. Levi Baligod.
“Especially now to NBI Director Melvin Matibag. Pumunta ka dito director,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kasi ako, interesado talaga ako kung nagsisinungaling itong labingwalong ito, pati si kumpanyero Atty. Levi.”
Pagpapatuloy ni Cayetano, malaki raw pinsala sa bansa kung mapapatunayan nilang gawa-gawa lang o may mga idinagdag at binawas na impormasyon sa affidavit ng mga nabanggit na testigo.
“Kasi napakaling disservice ito sa ating bansa kung gawa-gawa ito or kung may dagdag-bawas kayo sa testimony ninyo,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na tugon, pahayag, o reaksyon si Matibag kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Ilang mga dati, kasalukuyang kongresista, napadalhan umano ng male-maletang pera!