Hindi pala si Pangulong Barack Obama si VP Binay, Napoleon the Great siya, ayon kay Sen. Trillanes. Kilala sa world history si Napoleon ng France na nagtangkang magtatag ng emperyo empire o magpalawak ng teritoryo. Sa layuning ito, marami siyang sinakop na bansa hanggang marating niya ang Waterloo na bahagi ng Russia. Dito siya nag-umpisang bumagsak dahil nang magbago ang klima na nagyeyelo na sa Waterloo, nangamatay ang kanyang mga sundalo dahil hindi nila makayanan ang lamig.

Si VP Binay naman ay hindi nakutentong mamalagi siya sa Makati. Hindi siya nakuntentong masakop niya ang lahat ng lokal na posisyon. Kahit ang anak niyang babae ay kongresista na, ang kanyang anak na lalaki ay alkalde, tumakbo pa siyang pangalawang pangulo at lahat sila ay nagwagi. Nang sumunod na halalan, pinatakbo naman niya ang isa pa niyang anak na babae na senador at ito ay nanalo. Naglalakihan din ang kanyang mga ari-arian sa Makati na bukod sa maraming bahay at lupa na tinitirhan niya at ng kanyang mga anak, mayroon pa siyang 8,877 sqm. na lupain na dati ay bahagi ng Fort Bonifacio. Ang bahay na tinitirhan ni Mayor Jun-Jun Binay ay may elevator pa.

Dahil marahil masikip ang Makati sa iba pa niyang layunin, kumuha siya ng lupa sa Rosario, Batangas na may lawak na 350 ektarya. Ginawa niya itong Sunchamp agriculture park na pinaunlad niya na parang Kew Gardens ng London, England. Naririto ang 40 garahe, air-conditioned na babuyan, taniman ng iba’t ibang bulaklak mula pa sa ibang bansa, alagaan ng mga panabong na manok, swimming pool, man-made lagoon at napakalaking bahay. Sa Tagaytay naman, may tatlo siyang ari-arian at sa Alfonso, Cavite, naroroon ang magandang halamanan ng kanyang maybahay, na pinatakbo niya noong alkalde at nanalo pagkatapos na mapaso ang kanyang termino. Nakalulula ang pag-aari ni VP Binay na nag-umpisang dukha at naging abogado ng mga dukha. Kung kailan niya mararating ang “Waterloo” niya at ng kanyang political dynasty, mga taungbayan marahil ang magsasabi.
National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol