Matapos magwagi sa kanyang unang UAAP MVP award, ibinunyag ni Ateneo ace guard Keifer Ravena na marami pa siyang gustong maabot sa kanyang kasalukuyang estado bilang isang amateur basketball player.
Kabilang sa mga nais niyang makamit ay ang karangalan bilang Finals MVP, isang pahiwatig na posibleng magbalik pa siya sa susunod na taon sa roster ng Blue Eagles para sa kanyang ikalima at huling playing year sa UAAP.
“Hindi ko pa naranasan na mag-Finals MVP dito sa UAAP. For me kasi that’s the highest standard,” ani Ravena.
“After ng 14 games sa eliminations, then Final Four tapos kayong dalawa na lang talaga ang maglalaban for the championships. Doon, gusto kong mai-lead ‘yung team to win the title, ‘yun na iyong pinakamatinding challenge for me,” ayon pa sa panganay sa tatlong anak ng dating PBA star na si Bong Ravena at dating tanyag ding volleyball player na si Mozzy Crisologo.
Sa ngayon, ayon kay Ravena, ay abala sila ng kanyang koponan sa paghahanda para sa nakatakda nilang pagsabak sa National University Games na gaganapin sa Bacolod City ngayong buwan.
At kabilang sa ginagawa niyang paghahanda ang pagpapalakas pa sa kanyang sarili kung kaya’t pinili niyang makipag-ensayo sa Talk ‘N Text sa PBA kung saan isa sa team official ang kanyang ama.
Samantala, maliban sa matikman ang maging Finals MVP sa UAAP, ayon kay Ravena, ay nais din sana niyang mapabilang sa cadet pool ng Gilas Pilipinas at kung papalarin ay mabigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng national men’s basketball team.