LEGAZPI CITY, Albay – Patuloy ang pamamaga ng Bulkang Mayon na isang indikasyon na posibleng sumabog na ito sa mga susunod na linggo, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon kay Dr. Winchelle Sevilla, Phivolcs-Supervising Science Research specialist, na sa loob ng nakaraang tatlong linggo, naitala ng ahensiya ang 7.21 millimeter ground inflation, isang indikasyon na patuloy na naiipon ang magma sa crater nito.
Sa isang pulong-balitaan sa Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), sinabi ni Sevilla na nagkaroon ng karagdagang 4.21 millimeter sa dating 13 millimeter ground inflation ng Bulkang Mayon base sa ground deformation leveling survey na isinagawa sa Barangay Buang, Tabaco City at Barangay Lidong, Sto. Domingo, Albay.
Noong Setyembre 15, itinaas ng Phivolcs sa Alert Level 3 at sitwasyon sa Mayon Volcano noon ang baseline ground measurement nito ay umabot sa 10 millimeter. Subalit nitong nakaraang linggo, naitala nadagdagan ang pamamaga ng bulkan ng karagdagang three millimeters.
“Isipin n’yo na sa loob ng isang linggo, namaga ang bulkan ng 4.21mm. Ito ay indikasyon na patuloy na tumataas o naiipon ang magma sa crater at posibleng may mangyaring pagsabog sa loob ng isang buwan,” paliwanag ni Sevilla. - Nino M. Luces