Kasunod ang nakadidismayang kampanya sa Incheon Asian Games, sinabi ni Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia kahapon na kailangan nang ituon ang pansin sa 2015 SEA Games.

Ang susunod na SEA Games ay nakatakda sa darating na Hunyo sa Singapore, nangangahulugan ito na walong buwan na lamang ang natitira upang maghanda ang Filipino athletes para sa kada dalawang taon na kumpetisyon.

Sinabi ni Garcia na susubukan ng Pilipinas na makabawi at magkaroon ng mas magandang kampanya sa SEA Games. Sa huling pagdaraos ng SEA Games sa Myanmar, nagtapos ang Pilipinas bilang seventh overall.

Ito ang pinakamababang naabot ng Pilipinas sa SEA Games. Matapos makopo ang overall title bilang hosts noong 2005, nalaglag ang mga Pinoy sa ikaanim, ikalima, ikaanim, at ikapitong puwesto sa mga sumunod na taon.

National

2 taga-Laguna na parehong nanalo sa magkahiwalay na Lotto 6/42 draw, kumubra na ng premyo

“In this SEA Games we have to focus and really push for a better performance of at least number three or number four,” ani Garcia sa lingguhang PSA Froum sa Shakey’s Malate kahapon.

“Hindi na puwede (It can’t be) sixth or seventh,” dagdag ni Garcia, na nagsilbi bilang chef-de-mission ng Philippine delegation sa Incheon na nagawa lamang makapag-uwi ng 1 ginto, 3 silver, at 11 bronze medals.

Nakadidismaya ang naging finish ng Pilipinas na inasahan ng marami na makapagbubulsa ng pitong gintong medalya ngunit nabigong manalo sa mga pinapaborang isports tulad ng boxing, taekwondo, bowling, wushu, at basketball.

Si Daniel Caluag, isang Fil-American BMX rider, ang tanging nakapagbigay ng ginto para sa Pilipinas.

Ipinahayag ng Malacanang, sa pamamagitan ni Communications Secretary Sonny Coloma, ang disgusto sa mga naging resulta sa Incheon, at hinamon ang PSC na mas pag-igihin ang paghahanda sa mga atleta.

Iginiit din ni Coloma ang ideya ni Pangulong Aquino na ipokus ang government resources sa isports na mas malaki ang tsansa ng mga Pilipino na manalo.

Sinabi ni Garcia na hindi mandato ng PSC na sanayin ang mga atleta at ihanda sila para sa laban, at ang pangunahin nitong papel ay magbigay ng pondo sa 52 national sports associations (NSAs).

Sinabi ng PSC chief na hindi ang mga atleta ang dapat na sisihin at hinimok ang iba’t ibang NSAs na repasuhin ang kani-kanilang programa, partikular ang pagdating sa coaching.

“But I share the sentiment of Malacanang. I’m sure they are disappointed and we are all disappointed. We will continue with the prioritization program that was personally brought up by the President.

“We will prioritize the sports where we can win. Two years ago we came up with 10 priority sports but we have dropped a few (swimming and weightlifting) because they did not perform in the last SEA Games,” ani Garcia.

Mayroong 150 priority athletes na tumatanggap ng may P40,000 kada buwan at sinabi ni Garcia na kung hindi maganda ang kanilang ipapakita sa Singapore, mawawala ang kanilang status.

“It’s now up to them to perform,” giit ni Garcia.