Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang miyembro ng Bukas Kotse gang na nagtangkang suhulan ang pulis na umaresto sa kanya sa Valenzuela City, kamalalawa ng hapon.

Sa panayam kay P/ Sr. Supt. Rhoderick C. Armamento, hepe ng Valenzuela Police, robbery at bribery of public official ang kinakaharap na kaso ni William Cabuhat, 39, residente ng Bagong Barrio, Caloocan City.

Kuwento ni Armamento, bandang 5:00 ng hapon, papauwi si PO3 Armando Garcia galing ng duty sa Valenzuela Police Station sakay ng kanyang motorsiklo nang pagsapit sa Mac Arthur Highway sa Barangay Marulas ng nasabing lungsod, ay napansin niya ang kahina-hinalang kilos ni Cabuhat na may bitbit ang dalawang itim na bag.

Nang sitahin ni Garcia ang laman ng bag ng suspek ay nakita nito ang isang iPad na nagkakahalaga ng P40,000, ATM cards, managers checks at P15,000 cash.

Eleksyon

Ilang araw matapos ipatupad election period, gun ban violators, pumalo na sa 85 katao

Inamin ng suspek na ninakaw niya ang mga ito sa nakaparadang Tamaraw FX (walang plate number) sa harap ng isang food chain sa Bgy. Marulas. Ang sasakyan ay pag-aari ni Engineer Wilbert Tan, 48, ng Project 8, Quezon City.

Upang hindi madala sa kulungan, inalok ni Cabuhat si Garcia na ibibigay sa kanya ang mga ninakaw na gamit, palayain lamang siya ng pulis. Sa inis ni Garcia ay agad na pinosasan at dinala sa Station Investigation Unit (SIU) ng Valenzuela Police ang suspek.