Coco Martin

TINANONG namin ang Dreamscape Entertainment head na si Mr. Deo T. Endrinal sa finale presscon ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon kung apektado ba ang ratings ng Ikaw Lamang sa kontrobersiyang hindi sinasadyang nasuungan ni Coco Martin.

“Ay hindi, actually tumaas nga ‘yung ratings, nag-31% pa nga, so hindi naman,” kaswal na sagot ng ABS-CBN executive.

Pabirong sabi namin, ‘So okay lang pala na kontrobersiyal ngayon si Coco kasi mas nakatulong pa?’

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

“Ay hindi naman, ‘wag naman, sana maayos na,” mabilis at natawang sabi ni DTE.

Pero mukhang tuluy-tuloy nang maaayos ang isyu kay Coco na ngayong araw ay nakatakdang humarap sa Gabriela at kay dating Rep. Liza Masa ng Koalisyong Makabayan, base sa pahayag sa amin ng manager ni Coco na si Biboy Arboleda.

Mukhang wala na rin yatang problema dahil masaya at maganda ang aura ni Biboy nang makatsikahan namin, hindi katulad nu’ng nagpatawag siya ng presscon last week na parang tuliro at walang tulog.

Samantala, marami ang nagtatanong kung magtatapos na rin ang Ikaw Lamang dahil unti-unti na ring nabubunyag ang mga lihim tulad ng tunay na pagkatao ni Gabriel (Coco) at kung sino ang tatay niya, bukod pa sa nagkita-kita na ang mag-iinang Natalia (KC Concepcion), Jacq/Andrea (Kim Chiu) at Isabel (Amy Austria) plus Franco (Christopher de Leon).

Ayon sa taga-Dreamscape, mahaba-haba pa ang tatakbuhin ng kuwento ng epic-serye dahil magkakaroon pa ng matitinding eksena sina Andrea/Jacq/Isabel at Natalia, Franco at Isabel, Franco at Gabriel, plus gagawa rin ng matinding eksena si Mylene Dizon na matagal nang mahal na mahal si Franco at si Bryan Santos na nanggigigil din sa galit kay Gabriel.

Sa madaling salita, marami pang dapat abangan ang napakaraming sumusubaybay sa Ikaw Lamang. Talagang aabutin ito ng Disyembre.