Binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isa pang bagyo sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Binanggit ni Fernando Cada, weather forecaster ng PAGASA, na ang nasabing sama ng panahon ay nasa bahagi pa ng Guam.

Ito ay may international codename na “Vongfong” at kung tuluyang pumasok sa bansa sa Miyerkules o sa Huwebes ay tatawagin itong bagyong “Ompong.”

Kapag nakapasok na ng Pilipinas ang Ompong, ito ang ika-15 bagyong dumating sa bansa.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ni Cada na patuloy sa pagkilos ang nasabing bagyo pakanluran-hilaga-kanluran.

“Pero ang kanya pong track o halos direksyon ay pa-recurve o moving away from the country, katulad po ng bagyong ‘Neneng’ at wala naman po talagang direktang magiging epekto sa malaking bahagi ng bansa,” ani Cada.

Sa ngayon, aniya, pinalalakas pa rin ng bagyong Neneng ang alon sa mga baybayin sa northern seaboard ng Northern Luzon kahit nakalabas na ito ng bansa.

Nakataas pa rin ang gale warning sa Batanes, Calayan at Babuyan Group of Islands, Isabela, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Cagayan, La Union at Pangasinan.