MGA Kapanalig, marahil ay ilang beses na natin naririnig ang mga katagang, ASEAN Integration sa 2015. Marami ang natutuwa at marami rin naman ang nababahala. Ngunit sino nga ba ang tunay na makikinabang at sino ang mapag-iiwanan?

Ang ASEAN Integration ay resulta ng kasunduan ng mga miyembrong bansa ng Association of Southeast Asian Nations na sa 2015, inaatasan ang bawat pamahalaan ng sampung miyembrong bansa na gumawa ng mga panloob na polisiya upang maging isang ganap na isang rehiyon ang timog-silangang Asia lalo na sa larangan ng kalakalan, trabaho at edukasyon. Ayon sa ilan, isa sa mga pakinabang ng ASEAN Integration ay ang malayang transaksiyon ng iba’t ibang negosyo kung saan ay maaaring mag-operate ang isang Indonesian corporation halimbawa sa Pilipinas. Ayon sa pag-aaral ng ADB o Asian Development Bank at International Labor Organization, ang ganitong sistema ay may potensiyal na magresulta sa 14 million bagong trabaho sa 2025. Ayon pa sa pag-aaral na ito, tatlong milyong bagong trabaho ang maaaring malikha sa Pilipinas.

Tila maganda ngang pakinggan ang ganitong balita. Ngunit kung magbubukas na nga ng tuluyan at magiging liberal na ngang tunay ang ekonomiya ng bansa sa mga karatig bansa nito sa timog-silangang Asia, tiyak na magreresulta ito sa matinding kompetisyon ng malalaki at maging maliliit na mga negosyo. At dahil magiging matindi ang kompetisyon para sa mga manggagawang may talento, at maaaring itulak nito ang presyo ng mga pasahod pataas, ang mga manggagawang mataas ang kakayahan at mataas ang pinag-aralan ang tiyak na mas makikinabang sa ganitong paiiraling sistema ng ASEAN Integration.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

Samakatuwid, ang mga mahihirap nating mga kapatid na walang sapat na edukasyon ang tiyak na tatamaan sa planong ASEAN Integration sa 2015. Ito ang ating hamon sa ating pamahalaan. Paghandaan sana nito ang magiging epekto ng ASEAN Integration sa kapakanan ng mga ordinaryong manggagawa sa ating bansa lalu na ang mga manggagawang kumikita lamang ng maliliit na pasahod at nakakaranas pa rin ng mga pang-aabuso sa kanilang mga employer.