Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang opisyal na pagsisimula ng Habagat sa bansa, ngayong Sabado, Mayo 30.
Sa inilabas na pahayag ng PAGASA, binanggit nilang ang pagsisimula ng Habagat ay hudyat na ng tag-ulan sa bansa.
Dahil dito, inaasahan na ang mga panaka-nakang pagkidlat at pag-ulan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas, partikular sa western sections nito.
“As the Habagat becomes a more dominant weather system, occasional to frequent rains and thunderstorms are expected, particularly over the western sections of the country. This may lead to the possible onset of the rainy season in the coming days,” saad ng PAGASA.
Gayunman, mayroon pa ring tinatawag na “rain breaks” ang ahensya na maaaring magtagal ng ilang araw o linggo na tinatawag ding “monsoon breaks.”
Sa kasalukuyan, tinitiyak ng PAGASA na patuloy nilang babantayan ang lagay klima at panahon sa bansa, at bilang pag-iingat, pinapayuhan nila ang iba pang mga ahensya na maghanda sa mga posibleng epekto ng Habagat.
“PAGASA will continue to monitor the weather and climate situation in the country. The public and all concerned agencies are advised to take precautionary measures against the adverse impacts of Habagat and other climate and weather events,” paalala ng PAGASA.
Sa kaugnay na ulat, inaasahan ang mas pagdalas na pag-ulan at pagkulog sa mga susunod na araw bunsod ng Tropical Storm Domeng, na huling namataan sa Northern Luzon.