Mariel & Robin Padilla

BOTONG-BOTO pala si Mariel Rodriguez kay Vina Morales bilang leading lady ng asawang si Robin Padilla sa Bonifacio.

“Marami kasi silang pinagpilian,” kuwento ni Mariel, “‘tapos tinanong ako ni Robin kung sino sa tingin ko ang puwede at magkakasundo sila, sabi ko, why not Vina Morales kasi may pinagsamahan na kayo at kilala n’yo na ang isa’t isa.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“True enough, pagdating ni Robin sa bahay, sabi niya, ‘babe, tama ka na si Vina ang kunin namin kasi okay kami, walang problema at ang ganda ng samahan, walang ilangan’.

“Sabi ko naman, see, kasi nagkasama na kayo kaya komportable kayo. Nakita ko may pinadala siyang video at nakita ko masaya sila sa set.

“Saka tried and tested na ang tambalan nina Robin at Vina, wala pa ‘yang mga loveteam na ‘yan, nandidiyan na sila. Kaya ‘yan ang edge nila plus epic movie ito so kailangan ng magaling na artista talaga, eh, magaling si Vina talaga.”

Nagkita na sina Mariel at Vina sa morning show ni Kris Aquino noon pa pero hindi na iyon muling nasundan. Hindi dumadalaw si Mariel sa set ng Bonifacio dahil, “Gusto ko kasi maging focused si Robin sa ginagawa niya tulad ng 10,000 Hours, hindi ako dumalaw, pinasunod lang niya ako no’ng last shooting day na nila sa Amsterdam, ‘yun lang.

“Ayaw ko kasing mahahati ang concentration ni Robin kapag alam niyang nandoon ako, gusto ko focused siya at kita mo naman, ang ganda ng 10,000 Hours.”

Kilalang selosa si Mariel, hindi na ba siya nagseselos ngayon?

“Hay naku, wala na, ano’ng ipagseselos ko? Walang dahilan kasi super-bait ni Robin talaga, eh, halos hindi naman umaalis ng bahay kapag walang work, nandoon lang siya.

“Ibang Robin na siya ngayon, nag-mature na, hindi na siya katulad ng pagkakakilala natin noon, sa edad niyang 44, nagbago na siya kaya walang dahilan para magselos o mag-away kami. Ako na ang may diperensiya nu’n kapag nagselos pa ako sa wala,” pahayag ng TV host.

Kung dati-rati ay binibilhan ni Mariel ng branded na mga gamit ang asawa, ngayon ay hindi na.

“Naku, wala na as in, mga dati niyang gamit ang ginagamit niya ngayon. Dati kasi binilhan ko siya ng branded na mga damit at shoes ano ginawa, ‘pinamigay kung kani-kanino. Naloka ako, eh, ang mamahal non,” nanlalaki ang mga matang kuwento ni Mariel.

“Eh, kasi sa ating mga Kristiyano, ang sabi, ipamigay ang magagandang bagay, lalo na kung sobra na, eh, di pinamigay ko,” sabad ni Robin. “Alangan namang ipamigay ko ang mga pangit kong gamit. At saka mas maganda ang nagbibigay kasi masarap sa pakiramdam.

“Bilib nga ako sa asawa ko, lahat ng mga sikat nang pangalan, ibinigay sa akin, Armani, Boss, marami pa, eh, aanhin ko naman ‘yun? Saan ko naman gagamitin ‘yun, eh, di ipamigay na lang sa mga nangangailangan.”

Pabirong sabi pa ni Robin, ang asawa raw niya ang gumagastos ngayon sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

“Ha-ha-ha-ha, actually, hindi naman kasi ako nanghihingi at saka si Robin, ‘yung kinikita niya may mga pinupuntahan na, like sa mga anak niya, sa foundation niya, sa mga kapatid na Muslim kaya walang natitira sa kanya, as in.

“So, ako talaga ang nagbabayad ng bills, grocery, pamalengke, lahat halos, pero minsan nagbibigay siya kapag may sobra siyang pera,” pahayag ng misis ni Robin.