Bago pa man ang itinakdang pagpapatupad ng Reproductive Health Law sa Nobyembre, nanawagan si Senator Manuel “Lito” Lapid sa Senado na imbestigahan ang pamamayagpag ng mga produkto at serbisyo para sa aborsiyon.

Sinabi ni Lapid na mahalagang masubaybayan ng gobyerno ang ilang produkto at serbisyong medikal na naglalaglag ng mga isisilang pa lang “such as, but not limited to herbal concoctions, cytotech and other drugs that induce menstruation.”

Nais din ng dating aktor na imbestigahan ng Senado ang operator ng mga informal abortion clinic, o mas kilala bilang “hilot.”

Sa Senate Resolution No. 926 na kanyang inihain, nais ng mambabatas na maproteksiyunan ang ina at isisilang pa lang na sanggol laban sa mga abortifacient drug na maaaring maglagay sa peligro sa kalusugan ng mga ito.

Probinsya

Asawa ng mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, nagpadala raw ng lechon bago ang krimen?

“Whereas, induced abortions from these products and services result in high maternal mortality and morbidity,” paliwanag ni Lapid.

Bagamat itinuturing na krimen ang paglabag sa Articles 256 at 259 ng Revised Penal Code hinggil sa abortion, iniulat ng International Planned Parenthood Federation (IPPF) na nasa 155,000 hanggang 750,000 kaso ng induced abortion ang nangyayari sa bansa kada taon.

Base sa pag-aaral ng Guttmacher Institute noong 2008, tinatayang aabot sa 90,000 babae ang naoospital bunsod ng abortion o pagpapalaglag at mahigit 1,000 sa mga ito ang namamatay kada taon dahil sa hindi ligtas na proseso.

Ang resolusyon ni Lapid ay ipinarating sa Committee on Health and Demography at Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ng Senado. - Hannah L. Torregoza