LEGAZPI CITY - Patuloy ang pagbuhos ng tulong para sa Mayon evacuees ngunit hindi pa batid ng mga awtoridad ang itatagal ng evacuation; pero batay sa karanasan, maaaring umabot ito ng tatlong buwan o higit pa.

Pumalo na sa 11,225 pamilya (mahigit 52,000 katao) ang inilikas sa 29 na evacuation center sa lalawigan kaya nanawagan uli si Albay Gov. Joey Salceda ng karagdagang tulong.

Ayon kay Salceda, kailangan ang tulong upang makamit ang ‘zero casualty’ goal nito. Kabilang sa mga kinakailangan ang bigas, pang-ulam, sanitation items, at pagpapanumbalik ng klase sa mga mag-aaral.

Nagbigay naman si Shell Philippines Country Chairman Ed Chua ng 60 unit ng mobile toilets-and-baths na agad ikakalat sa mga evacuation center.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

Nangako naman kamakailan ang World Food Program ng 13,000 sako ng bigas na sapat para sa 12 araw. Nitong nakaraang linggo, nangako si Pangulong Benigno S. Aquino III ng P39 milyon halaga ng calamity assistance (P29 milyon para sa 17 araw na supply ng bigas at P10 milyon para sa iba pang mga pangangailangan). Dumaan ito sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Idinagdag ni Salceda na kailangan ng 875 classroom tent, 1,025 blackboard at 54,904 na silya. Sa 76 na paaralang apektado ng Mayon, 28 pa lang ang nakapagbukas na uli ng klase noong Setyembre 23. Nasa 83 sa 724 na paaralan sa Albay ang nasa six-kilometer radius permanent danger zone at eight-kilometer extended buffer zone nito.

Ayon kay Salceda, nangangailangan ang evacuees ng 72,032 sako ng bigas para sa 64 araw, bukod pa sa kasalukuyang stock nila na hanggang sa susunod na 33 araw lang.