Sa gitna ng tumitinding hamon sa mga opisyal ng pamahalaan na ilantad ang kanilang yaman, isinapubliko kahapon ang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) at income tax return (ITR) ni Vice President Jejomar Binay.

Sinabi ni Vice Presidential Legal Counsel Martin Subido, isinapubliko nila ang SALN at ITR ng bise presidente bilang patunay na wala itong itinatagong ilegal na yaman.

Aniya, ang SALN at ITR na galing pa ng Bureau of Internal Revenue ay mga pampublikong dokumento na maaring silipin ng sinuman.

Nilinaw ni Subido ang paglaki ng net worth ni Binay ay nagmula sa JCB Farms, isang negosyo ng babuyan na sinimulan noong 1994 gayundin ang disposisyon sa real properties na kanyang pagmamay-ari bago siya maluklok bilang alkalde ng Makati noong 1998.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Sa SALN nito, umabot ang net worth ni Binay noong 1988 sa P2,527,724.85 (assets-P3,510,013.85; at liabilities-P982,406.00). May real properties din ang bise presidente sa San Antonio Village sa Makati; Alabang Hills sa Cupang, Muntinlupa; Tunasan sa San Pedro, Laguna; Cabagan sa Isabela; San Pascual sa Batangas; at Bataan; na nagkakahalaga ng P635,000 base sa market prices sa nasabing taon.

Noong 1994, sinimulan ni Binay ang piggery business sa Rosario, Batangas na nakarehistro naman sa tanggapan ng BIR–Rosario, Batangas.

“JCB Farms is a mere lessee of a 9-hectare property in Rosario, Batangas, with the Leasehold Improvements introduced by JCB Farms duly reported in its annual audited financial statements and in the tax declarations duly filed with the appropriate local government unit,” sabi ni Subido.

Samantalang lumago naman ang Blooms and Bouquet flower shop na pag-aari ni Dr. Elenita S. Binay mula sa Rosario, Batangas.

Nabatid na ang pinagkakitaan ng mag-asawang Binay ay mula sa flower shop at sahod sa pagka-alkalde nito mula 1989 hanggang 1991.

Nakadagdag sa kita ng Vice President ang kinita ng JCB Farms na P44,350,921.88 mula 1994 hanggang 2010. Sa nasabing panahon, nagbayad si Binay ng buwis na nagkakahalaga ng P15,889,581.83.

Matapos ang 2010 elections, may natirang kontibusyon sa kampanya ang Vice President na aabot sa P13,541,711 total contributions (P231,480,000.00) at Total Expenses (P217,938,289.00). May business interest din na kinita ang JCB Farms maging ang investments  sa shares of stocks ni Binay nang mamuhunan ng inisyal na P400,000.00 sa stocks noong 1994.

Ito ang dahilan sa pagtaas ng net worth ni Binay para sa 2010 na P58,096,290.78, o P13,306,757.44 mas mataas kumapara sa kanyang 2009 net worth.

Noong Diyembre 31, 2013, ang net worth ni Binay ay umabot sa P60,118,766.00, may assets na nagkakahalaga ng P66,171,663.00 at liabilities na P6,052,897.00.

Pinag-isa ng mag-asawang Binay ang kanilang net income o kita mula 1986 hanggang 2013 (hindi kasali ang 2004) na umabot sa P83,115,268.23 kaya ang kanilang binayarang buwis ay nagkakahalaga naman sa P23,054,751.93.