COTABATO CITY – Nagpapatuloy ang manhunt operation ng pulisya para sa pagdakip sa babaeng alkalde ng Shariff Aguak, Maguindanao kasunod ng pagpapalabas ng korte ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng isang kasong murder.

Ilang linggo nang wala sa kanyang tanggapan si Mayor Zahara Ampatuan kaya naman itinalaga na ng regional authorities si Vice Mayor Marop Ampatuan bilang acting mayor nitong Setyembre 17, alinsunod sa Local Government Code.

Ang alkalde ay maybahay ni dating Shariff Aguak Mayor Anuar Ampatuan, isa sa mga nakapiit na suspek sa Maguindanao massacre nang paslangin noong Nobyembre 23, 2009 ang 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag sa Sitio Masalay, Barangay Salman sa Ampatuan.

Inilabas ng regional trial court dito ang warrant laban sa alkalde kaugnay ng pagpatay noong Abril 3, 2014 kay Alfredo Amelista, na secretary sa municipal council ng Shariff Aguak.

National

VP Sara Duterte, itinangging spoiled brat siya

Bukod kay Ampatuan, kinasuhan din ng murder sina Kanurin Tayuan at Rambo Guiasalam.

Nasorpresa ang maraming sektor, kabilang ang media, sa pagkakadawit ng alkalde sa nasabing kaso dahil iniuulat pa ng mga mamamahayag ang special education project nito na nagkakaloob ng scholarships sa maraming mahihirap na bata, kabilang ang mga kaanak ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). - Ali G. Macabalang