Kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kabutihan at katatagan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa iba’t ibang parte ng daigdig.
Kasabay ito ng paggunita sa ika-31 Migrant Workers Day ngayong Linggo, Hunyo 7, 2026.
Sa isang video statement, na mapapanood sa official at verified Facebook page ng Department of Migrant Workers nitong Linggo, Hunyo 7, idiniin din ni PBBM ang mga sakripisyo ng mga Pilipinong nasa ibayong-dagat upang magtrabaho.
“Magandang araw po! Binabati ko po ang lahat ng ating Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya sa pagdiriwang natin na ika-31 na Migrant Workers Day,” panimula ni PBBM.
Aniya, “Ngayong araw, binibigyang-pugay natin ang kabutihan, galing, at tibay ng loob ng ating mga OFW sa iba’t ibang panig ng mundo.”
“Sa inyong pag-alis upang makipagsapalaran sa ibang bansa, nabibigyan ninyo ng mas magandang kinabukasan ang inyong mga pamilya at ang bansa; ngunit kapalit nito ang pangungulila sa mga mahal sa buhay, mga pagdiriwang na malayo sa pamilya, at mga hamon na tanging kayo lamang ang nakakaunawa,” dagdag pa niya.
Giit ng Pangulo, patuloy na susuporta ang gobyerno sa mga pangangailangan ng mga OFW.
“Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy kayong lumalaban taglay ang mga katangiang Pilipino—masipag, maaasahan, mapagmalasakit, at matatag sa anumang pagsubok na dala ng buhay,” anang Pangulo.
Aniya pa, “Dahil dito, patuloy namin kayong ipinagmamalaki. Bilang inyong pamahalaan, muli naming ipinagtitibay ang aming pangako na ipaglaban ang inyong mga karapatan, pangalagaan ang inyong kapakanan, at palawakin ang suporta para sa inyo at sa inyong mga pamilya.”
“Tinitiyak natin na may maaasahan kayong tulong kapag kailangan, may sapat na proteksyon habang kayo’y nasa ibang bansa, at may malinaw na oportunidad sa inyong pagbabalik at muling pagsisimula dito sa Pilipinas,” diin pa niya.
Pinasalamatan din ni PBBM ang mga OFW, na may dalang mga kuwento ng pag-asa, lakas ng loob, at pagtaguyod sa bansa.
“Sa pangunguna ng Department of Migrant Workers at mga katuwang na ahensya, patuloy naming palalakasin ang mga programang tunay na tumutugon sa inyong pangangailangan,” ani PBBM.
Dagdag pa niya, "Sa bawat Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat, maraming salamat. May this Migrant Workers Day remind us that every OFW’s story is a story of courage, of hope, and of nation building.”
“Sama-sama nating itaguyod ang isang bagong Pilipinas kung saan ang bawat manggagawang Pilipino—saan mang panig ng mundo naroon—ay protektado, may oportunidad, at may dangal. Mabuhay ang ating mga OFW!” pagtatapos ni PBBM.