Patuloy na walang mahukay na ginto ang 150 atleta ng Pilipinas matapos na unti-unting makalasap ng kabiguan sa ikaapat na araw ng ginaganap na 17th Asian Games sa Incheon, Korea.

Tanging nakapagpakita ng pinakamagandang kampanya ay ang archer na si Paul Marlon dela Cruz matapos na pumang-apat sa individual ranking sa compound event ng archery sa Gyeyang Asiad Archery.

Itinala ni Dela Cruz ang 350/2 at 351/9 para sa kabuuang 701 puntos sa ranking round habang malayo naman ang kinalagyan ng mga beteranong sina Earl Benjamin Yap (19th), Ian Patrick Chipeco (25th) at Jose Ferdinand Adriano na nasa ika-30 puwesto.

Nagtala si Yap ng 346/11 at 342/25 para sa 688 puntos habang si Chipeco ay may 337/30 at 347/14 para sa kabuuang 684 puntos. Si Adriano ay may 339/26 at 336/37 para sa 675 puntos.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

Napag-iwanan din ang mga pambato ng Pilipinas sa Men’s Singles sa bowling sa Anyang Hogye Gymnasium kung saan ay ika-12 puwesto si Frederick Ong sa tinipong 268-199- 192-205-201-163 para sa kabuuang1228 pinfalls habang nasa ika-35 si Jo Mar Roland Jumapao na may 160-152-209-207-166-204 para sa 1098 pinfalls.

Nagkasya lamang sa ikawalong puwesto sa Men’s Taijijian sa wushu sa Ganghwa Dolmens Gymnasium ang SEA Games double gold medalist na si Daniel Parantac matapos itala ang kabuuang 9.58 puntos. Magbabalik muli si Parantac sa aksiyon sa ganap na ala-1:00 ng hapon sa Men’s Taijiquan.

Nagkasya naman sa ikalimang puwesto si Jasmine Alkhaldi sa Women’s 100m Butterfly-Heat 1 sa Munhak Park Tae-hwan Aquatics Center sa isinumiteng oras na 1:02.34 upang umasam na makapasok sa walong kailangan sa kampeonato.

Pumangatlo lamang sa Men’s Double Sculls Repechage 2 sa Chungju Tangeum Lake Rowing Center ang tambalan nina Roque Abala Jr. at Alvin Amposta upang tuluyang magpaalam sa medalya. Itinala nito ang mga oras na 1:37.88 (3) sa 500m; 3:24.15 (3) sa 1000m; 5:08.82 (3) sa 1500m at 6:53.57 (3) sa 2000m.