Laro ngayon: (Smart Araneta Coliseum)

4 p.m. NU vs Ateneo

Muling makabalik sa finals.

Ito ang misyon na gustong bigyan ng katuparan ng dating 5-time champion Ateneo de Manila University (ADMU) sa kanilang pagtutuos ng National University (NU) sa pagsisimula ngayon ng Final Four round ng UAAP Season 77 basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga aspirants na nag-file ng COC at CONA ngayong Oct. 3

Nakabalik sa Final Four round makaraang mapatalsik bilang kampeon noong nakaraang taon at nagtapos na No. 1 team sa nakaraang double round eliminations, hawak ng Blue Eagles ang twice-to-beat advantage laban sa No. 4 seed na Bulldogs na hangad naman ang kanilang unang finals appearance magmula nang huli silang magkampeon noong 1954.

“Yes it’s going to be very very tough,” pag-amin ng Ateneo skipper at UAAP Season 77 MVP na si Kiefer Ravena.

Ayon kay Ravena, kung nahirapan silang manalo kahit isang beses sa Bulldogs sa kanilang unang dalawang pagtatagpo sa eliminations, tiyak na mas mahihirapan sila ngayon.

Gayunman, optimistiko si Ravena na malaki ang maitutulong ng kanilang naging karanasan sa nakalipas na eliminations, lalo na nang mapagtagumpayan nila ang pagiging No. 1 team papasok sa semis sa kanilang pagharap sa Bulldogs.

“Wala nang bata-bata dito. Siguro naman mayroon na kaming napatunayan after we succeeded to in taking the No. 1 spot and we learned a lot particularly our rookies in that experience,” ayon pa kay Ravena.

Kaya naman naniniwala ito na magagawa pa rin ng Ateneo, ang No. 1 offensive team sa liga, na makipagsabayan sa No. 1 defensive team sa muli nilang pagtatapat kung saan inaasahan nila na kayang sapawan ang hawak nilang momentum at psychological edge na tangan naman ng kalaban matapos silang gapiin ng dalawang beses sa eliminations.

Bukod kay Ravena, inaasahang mamumuno para sa Blue Eagles ni coach Bo Perasol ang kasama niya sa Mythical Team na si Chris Newsome at Rookie of the Year Arvin Tolentino, gayundin sina Nico Elorde at Von Pesumal.

Sa panig naman ng Bulldogs, aasahan naman ni coach Eric Altamirano sina Glenn Khobuntin, Alfred Aroga, Gelo Alolino, Troy Rosario at Henri Betayene.