Malamya ang naging pagsisimula ng Team Pilipinas sa unang araw ng kompetisyon sa 17th Incheon Asian Games matapos na mapatalsik agad ang mga shooter at rower na si Benjie Tolentino Jr. sa Lightweight Men’s Single Sculls Heat 1 sa Chungju Tangeum Lake Rowing Center sa Incheon, Korea.

Tumapos sa ikaapat na puwesto ang Olympian na si Tolentino mula sa kanyang isinumiteng oras sa 500m,1000m, 1500m at 2000m upang sumadsad sa medal round sa pamamagitan ng repechage.

Nakapagtala lamang ito ng 1:49.20 sa 500m (5th), 3:46.01 sa 1000m (5th), 5:40.67 sa 1500m (5th) at 7:37.05 (4th) sa 2000m.

Sumabak din sa eliminasyon ang shooters na sina Hagen Alexander Topacio at Eric Ang sa men’s trap qualification first round (75) targets sa Gyeonggido range. Nagkasya si Topacio sa 22 at 21 puntos tungo sa malayong ika-37 puwesto habang si Ang ay may 21 at 21 para okupahan ang ika-40 puwesto sa event na may 46 kalahok.

Pagdagsa ng mga pasahero sa PITX, inaasahang papalo ng 3 milyon ngayong holiday season!

Muling sasabak ngayon sa ikalawang araw sa Men’s Trap event na may 50 target sina Ang at Topacio.

Aasa naman ang Team Pilipinas sa pinupuntiryang unang medalya sa torneo mula sa weightlifter na si Nestor Colonia na nakatakdang sumabak sa ganap na alas-2:00 ng hapon sa 56kg.

Nakatakda din lumarga ngayon ang mga atleta sa walong sports na kinabibilangan ng swimming, fencing, artistic gymnastics, judo, rowing, shooting, lawn tennis at wushu.

Lalangoy ngayon ang London Olympian na si Jessie Khing Lacuna sa una sa tatlong sasalihan nitong event sa men’s 100m freestyle. Sisisid din ito sa men’s 200m freestyle at 100m butterfly.

Sisimulan din ni Reyland Capellan ang kampanya sa men’s artistic gymnastics habang sasagupa na din Gilbert Ramirez sa men’s judo sa minus- 73kg. at Kiyomi Watanabe sa women’s minus 63kg.

Habang sinusulat ito ay magtatangkang makuwalipika sina Nestor Cordova sa Lightweight Double Sculls, Alvin Amposta sa Men’s Doubles Sculls, Benjamin Tolentino Jr. sa Lightweight Single Sculls, Roque Abala Jr. sa Men’s Douclbe Sculls at Edgar Ilas sa Lightweight Double Sculls.

Sumagupa naman ang women’s tennis team nina Dennis Dy at Katharina Melissa Lehnert at maging ang men’s team nina Patrick John Tierro, Ruben Gonzales Jr. at Treat Condrad Huey sa Mongolia sa Yeorumul Tennis Courts habang sinusulat ito.

Sisimulan din ng wushu sanda team, na bagamat nawalan agad ng isang kalahok bunga sa pag-ayaw ni Evita Elise Zamora na nagtamo ng pilay sa kanang tuhod sa women’s Sanda 60-kg., ang asam na makapaguwi ng medalya sa unang opisyal na pagsasagawa ng event sa kada apat na taong Asian Games.

Ang ibang lalahok ay sina Jean Claude Saclag (men’s Sanda 60-kg), Divine Wally (women’s Sanda 60-kg) at Francisco Solis (men’s Sanda 56-kg).