Mahilig akong magluto mula pa noong dalagita pa ako; ngunit parang ayaw yata ng pagluluto sa akin. Ibig kong sabihin, kung hindi ko susundin to the letter ang mga panuto ng isang cookbook, hindi talaga magiging matagumpay ang kung ano mang lutuin kong putahe. Kaya niregaluhan ako ng aking guro sa high school ng isang cookbook ng mga simpleng putaheng Pinoy na kinabibilangan ng kare-kare, pakbet, sinampalukang manok, nilagang baka, lechon kawali at iba pa. At dahil ginawa kong career noon ang pagluluto, na suportado naman ng mahal kong ina at mga ate, pinupuri na nila ang inihahain ko sa hapag-kainan. Sa loob ng maraming taon, hanggang maging dalagita na ang aking si Lorraine, ipinapasa ko sa kanya ang aking nalalaman sa pagluluto na natutuhan ko sa cookbook na iyon.

Kamakailan lang, inimbita ni Lorraine ang kanyang mga officemate upang maghapunan. Siyempre, pinuri niya ang luto ng mommy dearest niya. At nang ibida ko ang cookbook na inaagiw na sa aming maliit na aklatan, naging interesante ang isa niyang officemate. “Ako rin po, gusto kong matutong magluto,” sabi ni Mona. “Gusto kong maging star ng aming kusina.”

Naisip ko na kaysa mabaon sa makapal na alikabok ang aking cookbook na na-master na namin ni Lorraine, ibigay ko na lamang kay Mona. Kaya kinuha ko sa aklatan ang cookbook at pinunasan ko iyon hanggang lumitaw ang luma nang pabalat. Iniabot ko iyon kay Mona. Sabi ko sa kanya, “Gusto kong maging star ka rin ng inyong kusina. Maraming advantage ang pagkakaroon ng karunungan sa pagluluto kahit saan ka man mapunta. Masasayang lamang ang cookbook na iyan kung mananatili lamang sa aklatan dito dahil wala namang babasa niyan. Dalhin mo na at matuto ka. At palawakin mo ang iyong kaalaman upang mas marami ang makalasap ng iyong galing sa pagluluto.”

Para sa mga makasalanan, ang ebanghelyo ay parang cookbook na ang mga putahe ay yaong mga inihahain sa hapag-kainan sa Kaharian ng Diyos. Wala tayong karapatang sarilinin ang Salita ng Diyos. Iniuutos sa atin ni Jesus na ipahayag sa lahat ng sangkinapal ang Mabuting Balita, at ipalasap sa iba ang sarap ng pagiging ligtas.
National

Akbayan, kinondena pag-acquit kina Enrile sa kasong plunder